Sunday liturgy

Paano nga ba dapat ispelingin ang Pag-ibig ng Diyos?

Ika-2 Linggo ng Muling Pagkabuhay–Taon K
3 Abril 2016

image

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary

Ang isang posibleng paraan daw ng pagbaybay ng salitang LOVE ay sa pamamagitan ng T-I-M-E.

Tama naman ‘di ba? Nag-uukol lang tayo ng panahon natin sa mga taong mahal sa atin.  Gusto nating nandoon sa mga ispesyal na okasyon ng mga taong mahal natin para maipadama sa kanilang ispesyal sila sa atin.

Sa mga pagbasa natin ngayong Linggo, mapapansin natin ang pagnanais ng Panginoon na maging ‘present,’ na mag-ukol ng panahon upang makasama ang mga taong ispesyal sa Kanya.

Sa unang pagbasa (Gawa 5:12-16) , patuloy na naranasan ng mga sinaunang komunidad ng mga Kristiyano ang presensiya ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang mga tagasunod.
Nakagawa sila ng mga kababalaghang katulad ng nasaksihan nilang ginawa ng Panginoon. Sa pamamagitan nila, dumami ang mga taong nanalig sa Panginoon.    

Sa ikalawang pagbasa (Pahayag 1:9-11a.12-13.17-19), maririnig natin ang pananangis ni Juan. Ipinatapon siya sa isang isla dahil sa ipinangaral niya ang Salita ng Diyos.

Kaya naman nang maaninanagan niya ang isang anino, at napansin niyang ang Panginoon ito, nabuhayan siya ng loob. Nagsalita ang Panginoon, at muli pa, pinatunayan Niyang Siya’y muling nabuhay, at hindi na muling mamamatay. Muli pa, naniniguro ang Panginoon na dahil kasama natin Siya, wala tayong dapat na ipangamba.

Sa Mabuting Balita (Juan 20:19-31), sa kauna-unahang pagkakataon, nagpakita ang muling nabuhay na Panginoon sa Kanyang mga tagasunod. Takot ang mga itong nagkulong sa isang bahay sapagkat alam nilang maaari sa kanilang mangyari ang sinapit ng Panginoon. Sa pamamagitan ng pagpapamalas sa kanila ng Kanyang sugat sa Kanyang kamay at tagiliran, natanto nilang si Hesus nga ang taong iyon. Sa isang iglap, ang kanilang takot ay napalitan ng tuwa.

Wala si Tomas nang naganap ang tagpong iyon. Kaya naman nang dumating siya ay ibinalita sa kaniya ng kanyang mga kasama ang pagdalaw ng Panginoon. Ngunit hindi bilib si Tomas sa balitang ito. Sa halip, nagbitaw siya ng ganitong pananalita: “Hindi ako maniniwala hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangga’t hindi ko naipapasok ang aking kamay sa kanyang tagiliran.”

Hindi lamang masasalamin sa kanyang tinuran ang kawalan ng respeto sa katawan ng isang tinatawag niyang ‘Panginoon.’ Tahasang gumuguhit ito sa kabastusan. kaya nga hindi nakakapagtakang kahit sa huli’y naniwala naman siya, hindi pa rin maalis sa kanya ang bansag na “Doubting Thomas.”

Pero gayunpaman, hindi din natin maaalis sa isip natin kung gaano na lang kamahal ng Panginoon si Tomas kung kaya’t kinailangan pa Niyang bumalik pagkatapos ng isang Linggo upang magpakita sa kanya at makumbinsi itong muli nga Siyang nabuhay.

Muli pa, heto ang patunay na mahal ni Hesus ang Kanyang mga alagad. Nag-ukol Siya ng oras upang makasama ang mga ito.
Ngayong ika-2 Linggo ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon, ayon na rin sa iniakda ni San Juan Pablo II noong siya’y santo papa, ipinagdiriwang natin ang “Divine Mercy Sunday.” At marahil, tama lan na sabihing ang love ay hindi lamang naipaparamdam sa pamamagitan ng T-I-M-E, ngunit ng A-W-A din.

Nakagawian na nating tingnan ang awa sa pamamagitan ng pagpapatawad natin sa mga taong nakagawa sa atin ng hindi mabuti. O ‘di kaya naman ay sa pamamagitan ng pagtulong natin sa ating mga kapatid nating kapus-palad.

Ngunit ang awa ay hindi lamang maipapahayag sa ganitong paraan. Ang awa rin  naman ay maipapamalas natin sa pamamagitan ng pagdidisiplina. Tough love ata ang tawag dito.

Dahil naaawa ako sa aking anak na baka hindi magkaroon ng magandang hinaharap, hindi ko ibibigay ang lahat ng gusto niyang maaaring ikasira naman ng buhay niya. Ididisiplina ko siya. Dahil sa pamamagitan nito ko lang mapapatibay ang pundasyong kinakailangan niya upang magkaroon ng magandang buhay.

Madalas, ang tingin natin sa awa ng Diyos ay madaling sumuko sa bawat daing natin,  o di kaya naman ay  pwede nating mapasunod sa kung anuman ang nais natin. Ngunit ang awa ng Diyos ay hindi tamang lambutin. Hindi ito nagbabait-baitan lang. Sapagkat ang awa ng Diyos ay nakaangkla sa pag-ibig  na humahamon sa ating maging mabubuting anak Niya dahil palagian Siyang isang mabuting Magulang sa atin.

Advertisements

Second Chance

Ika-5 Linggo ng Kwaresma—K
13 Marso 2016

wp-1457156034067.jpeg

Kathang sining ni Asp. Paul Lopez ng Don Bosco Seminary Canlubang.

Second Chance.

Ito ang handog na mensahe ng ating mga pagbasa ngayong Linggo. Ang Diyos ay handang magbigay sa atin ng isa pang pagkakataon.

Sa unang pagbasa (Isa 43:16-21), ang mga Israelita ay ipinatapon sa Babilonya. Sa kabila ng kabiguan at kahihiyang ito, nagwika ang Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Isaias, dala ang pag-asang makakabangon silang muli sa kanilang pagkagapi.

Ipinaalala ng Diyos sa kanilang—upang mapalaya sila—gumawa Siya ng pambihirang bagay: hinati Niya ang dagat, ang mga kabayo’t karwahe ng kanilang kalaban ay winasak. Nilupig Niya ang makapangyarihang hukbo ng mga Egipcio.

At muli, ngayong dumaraan na naman sila sa isang pagsubok, nangako Siyang muli silang makakabangon at makakalaya: sa gitna ng ilang ay magkakaroon ng bagong daan. At ang disyerto nama’y magkakaroon ng masaganang tubig, alang-alang sa Kanyang bayang hinirang.

Hinimok Niyang ang masasakit na sandali’y kalimutan na. Sapagkat sa pamamagitan ng Panginoon, magkakaroon ng panibagong kabanata ang kanilang buhay.

Sa ikalawang pagbasa (Fil 3:814), binigyan tayo ng halimbawang kung papaanong ang isang taong may bahid ang nakaraan ay biniyayaang muling magkaroon ng bagong simula.

Isang dating Pariseo si Saulo. Inakala niyang sa pamamagitan ng kanyang pagsunod sa batas ay makakamit niya ang kaligtasan. Bunsod ng kanyang pagmamahal sa batas, pinag-uusig niya ang mga Kristiyano.  Hindi lamang niya nasaksihan ang malagim na kamatayan ni San Esteban nang pagbabatuhin ito hanggang mamatay, sinang-ayunan rin niya na dapat nga itong mamatay dahil sa pananampalataya niya kay Kristo.

Ngunit nangyari ang hindi inaasahan. Nasumpungan ni Saulo si Hesus. At mula noo’y nakita niya ang kanyang kamalian. Binago ng Diyos ang kanyang pangalan—Pablo na ang itatawag sa kanya—at maging ang kanyang buhay.

At ayon sa kanya, hindi na mahalaga ang nakaraan, dahil alam niyang mayroong bukas, kasama ang Diyos, si Kristo. Pinagkalooban siya ng Panginoon ng bagong buhay, ng bagong simula.

Ito rin marahil ang nais ng babaeng tampok sa ating Mabuting Balita (Jn 8:1-8), ang isang bagong simula. Matapos siyang paratangang nahuli sa akto ng pangangalunya, dinala siya sa harap ng Panginoong samantalang Siya ay nangangaral.

Maraming tao ang nakasaksi sa pangyayari. Kaya nga hindi lang ang babae ang nililitis sa harap nila. Sa tanong ng mga Pariseo’t eskribang “Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang ganitong mga babae, ano ang masasabi mo?” si Hesus man din ay nakasalang din sa panghuhusga ng marami. Isang maling sagot mula sa Panginoon, lilipad ang mga bato papunta sa babae—o ‘di kaya naman ay papunta sa Kanya.

Isang legal na usapin ang tanong ng mga nanghuhusga. At kung pagbabasehan ang mga batas na iniakda sa Lumang Tipan, masasabing mayroon silang laban (sumangguni sa Lev 20:10 at Deut 22:22). Hindi naman ito nakapagtataka, pagdating sa usapin ng Batas, alam ng mga Pariseo’t eskriba ang sinasabi nila. Kung mayroong nakapagtataka sa kabanatang ito ng Mabuting Balita ay kung bakit kailangang si Hesus ang sumagot ng kanilang tanong—na alam naman nila kung ano ang sagot. At higit pa dito, kung bakit kailangang sa harap ng maraming tao, pinili nilang isa-dula ang kanilang ‘drama.’

Nang dalhin nila ang babaeng nakikiapid kay Hesus, hindi lang nila gustong malaman kung ano ang dapat gawin dito. Nang marinig ni Hesus ang paratang, umupo siya at nagsulat sa lupa. Animo’y wala Siyang pakialam sa mapusok na tanong. Kapana-panabik kung ano ang magaganap. Ngunit tuloy pa rin si Hesus sa Kanyang ginagawa, sulat pa rin Siya ng sulat sa lupa. Ngunit patuloy pa rin sila sa kakakulit sa Kanya. Nang tila hindi na Niya makaya pa ang kakukulit nila sa Kanya, nagwika Siya, “Ang walang sala sa inyo ang siyang maunang bumato sa kanya” (sumangguni rin sa Deut 17:7), sabay balik sa pagsusulat sa lupa.

Mainam ang pagkakalahad ni San Juan sa kung ano ang naganap pagkatapos, “Nang marinig nila iyon, sila’y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Jesus.” May sipa ang paglalarawan ni San Agustin sa tagpong ito, ‘relicti sunt duo miseria et misericordia’ (At dalawa silang natira: ang kaawa-awa at ang punong puno ng awa).

Tumayo si Jesus at tinanong ang babae, “Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?”

“Wala po, Ginoo,” sagot ng babae.

Sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.”

Dahil sa awa ng Panginoon, nagkaroon ulit ng lakas ng loob na magsimulang muli ang babae.

Ito rin ang mensahe ng Panginoon sa atin: Pwedeng pwede tayong magsimula ulit.

FB Graphics for all Sundays of February

As before, here are graphics which you could use for your FB cover photos which highlight the essence of the liturgical theme for all the Sundays of February. We have also made one available for the celebration of Ash Wednesday.
Once again, Aspirant Paul Lopez rendered these eye-candy graphic designs.
Please feel free to download, use and share.

wp-1453707923283.jpeg

February 7, 2016   +   5th Sunday in Ordinary Time–Year C

wp-1453707943211.jpeg

February 10, 2016   +   Ash Wednesday–Year C

Feb 14

February 14, 2016   +   First Sunday of Lent–Year C

Feb 21

February 21, 2016   +   Second Sunday of Lent–Year C

Feb 28.jpg

February 28, 2016   +   Third Sunday of Lent–Year C

Simbang Gabi FB Cover Photos

 

Despite the tedious activities they had in the seminary during the Christmas novena days, Prenovice Jonas Lacon and Prenovice Gab Tamondong managed to design these cover photos.

image

December 16, 2015   l   1st Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Jonas Lacson

2SGGodbornfamily

December 17, 2015   l   2nd Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Jonas Lacson

12347602_10153807698322188_77640878736190836_n

December 18, 2015   l   3rd Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Jonas Lacson

image

December 19, 2015   l  4th Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Jonas Lacson

December20_4thAdvent

December 20, 2015   l 4th Sunday of Advent–Year C
5th Day of the Simbang Gabi
Designed by Prenovice Jonas Lacson

image

December 21, 2015   l   6th Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Jonas Lacson

image

December 22, 2015   l   7th Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Gab Tamondong

image

December 23, 2015   l   8th Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Jonas Lacson

9SGBenedictus

December 24, 2015   l   9th Day of the Simbang Gabi–Year C
Designed by Prenovice Gab Tamondong

wp-1451139382637.png

December 27, 2015   l  Feast of the Holy Fanily–Year C
Designed by Prenovice Jonas Lacson

 

Mag-intay, Magmatyag Maghanda

Unang Linggo ng Adbyento
29 November 2015

wpid-wp-1446847534495.png

Kapag may yumao tayong kapatid, masarap marinig ang komento mula sa maraming patungkol sa yumaong “Handa siya nang kunin siya ni Lord!” Graphics by Prenovice Jonas Lacson.

Mga kapatid, sa tulong ng byiaya ng Eukaristiya, makintal nawa sa ating ang panahon ng Adbiyento ay isang panghabang-buhay na disposisyong ipinapakita natin sa ating araw-araw na pamumuhay. Kapag may yumao tayong kapatid, masarap marinig ang komento mula sa maraming patungkol sa yumaong “Handa siya nang kunin siya ni Lord.”

Kung ang panahon ng adbiyento ay panahon ng paghihintay. Hindi ba’t parang out of place ang panahong ito sa buhay natin?

Aminin natin, marami sa atin ang hindi komportable sa paghihintay. Ilan nga ba sa atin ang magpapa-huli sa appointment, dahil sa isip natin, “Baka mahuhuli din naman ang katagpo ko–mabuti nang siya ang maghintay kaysa ako.”

Isang konkretong karanasan ng paghihintay ay masasalamin natin sa kasaysayan ng mga Israelita sa Unang Pagbasa ngayong Linggo. Sa loob kasi ng napakaraming taon, naghihintay ang mga taong ito sa sugong darating na manggagaling sa lipi ni Haring David.

Si David ay namumukod tangi sa lahat ng mga naging hari ng Israel dahil sa kanya mismong buhay masasalamin ang pag-ibig ng Diyos sa Kanyang bayan. Kung kaya naman nang ihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias na dumating na ang araw kung saan ang kanilang inaasam-asam ay mapapasakamay na nila, marahil, hindi masukat ang kaligayahan nila.

Sa ganito ring pagkakataon inihahambing ang ating sarili. Mayroong inaasam-asam ang ating mga puso. Mayroong hinihintay na dumating. At mayroon ding hinihintay, ngunit ipinapanalangin nating hindi na sana dumating. Ngunit ang paghihintay, ang pag-aasam-asam ng mga Israelita ay ginanimpalataan ng isang katiyakang hindi man kailanman lumimot ang Panginoon sa Kanyang pangako.

At hinahamon tayo ni Propeta Jeremias na magtiwala sa Salita ng Diyos, inaanyayahan niya tayong tumaya sa katapatan ng Panginoon.

Sa simula ng pagpapahayag ng Mabuting Balita ngayong Linggo, mapapatanong tayo, mabuting balita nga bang talaga ito? E bakit parang nananakot? Magkakaroon daw ng tang sa araw, ng ugong sa lupa, at daluyong naman sa dagat. Ngunit ang intensyon ni San Lukas sa pagpapakita ng kagimbal-gimbal na sitwasyong itong mangyayari sa hinaharap ay upang sa pamamagitan nito, ma-ihayag sa atin ang kagalakan ng mabuting balitang darating na ang ating hinihintay, ngunit kalakip nito ang isang babalang kailangan nating maging palagiang handa.

Hindi natin alam kung kailan ang eksaktong oras ng pagdating. Nagbigay lamang siya ng mga tanda. Kaya kinakailangang maging mapagmatyag, maging mapagmasid, maging laging handa.

Huwag daw tayong masyadong malibang sa aliw na handog sa atin ng mundo, sa panganib na huwag nang intindihin ang pagdating ng Panginoon.

Sa ikalawang pagbasa, binigyan ng konkretong mukha ni San Pablo kung paano nga ba dapat tayong maghanda ng ating mga sarili–magsimula tayo sa isang disposisyong nanggagaling sa ating puso.

Sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga bagay na natutuhan natin sa kanyang aral, binubuksan natin ang ating sariling tanggapin ang Panginoon sa ating buhay. Hindi lamang sa darating na kapaskuhan, ngunit, sa Kanyang muling pagbabalik sa sanlibutan.

Ang panahon ng Adbiyento ay panahon ng pagmamatyag, ng paghihintay, ng paghahanda. Ngunit nagkakamali po tayo kung iisipin nating apat na linggo lang ito sa ating kalendaryo. Na kapag nasindihan na ang lahat ng kandila sa ating korona ng adbiyento, hihintayin ulit natin ang susunod na korona sa susunod na taon.

Mga kapatid, sa tulong ng biyaya ng Eukaristiya, makintal nawa sa ating ang panahon ng Adbiyento ay isang panghabang-buhay na disposisyong ipinapakita natin sa ating araw-araw na pamumuhay. Kapag may yumao tayong kapatid, masarap marinig ang komento mula sa maraming patungkol sa yumaong “Handa siya nang kunin siya ni Lord.”

Sana, sa pagdating ng Panginoon, ganito rin ang masabi natin sa ating sarili, “Lord, handang handa na po akong harapin Kayo.”

Pag-ibig na walang hanggan

Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon–B
08 November 2015

wpid-wp-1446965930840.jpeg

Sa ating liturhiya ngayong Linggo, nakilala natin ang tatlong pigurang handang magbigay hindi mula sa kanilang kalabisan, nagbigay sila, kahit na wala na silang maibibigay pa. Nawa’y matutuhan din nating buhayin ang halimbawang kanilang ipinakita. Guhit ni Fr. Anotnio Molavin, SDB

Ipinakikila ng ating liturhiya ngayong Linggo ang mga personalidad na hindi lamang nagbigay mula sa kanilang kalabisan. Tunay silang nagbigay, mula sa kanilang kakapusan. Hanggang wala nang matira sa kanila.

Sa Unang Pagbasa, tila hindi na mahalaga ang kanyang pangalan kaya hindi na ito isinama pa sa kuwento. Inilarawan na lamang siya, ang balong mula sa Sarepta.

Tama nga na ang balong kanyang hiningan ng tulong ay kumukuha ng panggatong. Ibig sabihin, mayroon silang iluluto, mayroon silang kakainin! Ngunit iginiit ng balo sa kanyang ito na ang huling pagkaing kanyang isisilbi sa kanyang anak dahil said na ang kanilang sangkap. Mali ang tiyempo ni Elias. Dumaranas ng tag-gutom ang buong lupain. Hindi nagpapaligoy-ligoy ang balo. Wala na rin silang pagkain.  Ang kakaunting sangkap na natira sa banga ay ang tanging magsasalba sa kanilang mag-ina. At isa pang bibig na sasalo sa kanila, magkakaroon na sila ng problema.

Ngunit ewan niya, hindi niya rin naintindihan ang sarili. Sinunod niya ang propeta. Kung mayroon man siyang dinaramdam, hindi na natin malalaman pa. Ang alam lang natin, wala siyang pinakawalang katanungan o mura man patungkol sa propeta. Binigay niya ang lahat-lahat hanggang wala nang matira pa sa kanya.

Sa Ebanghelyong ating narinig, may isa na namang balong nasali sa kuwento. Kung hindi siya binigyang pansin ni Hesus, malamang, hindi rin natin siya mapupuna. E kasi naman, sangkatutak at naglalakihan ang mga inihulog na abuloy ng mga nauna sa kanya.  Ngunit hindi na natuos ni San Marcos kung magkano ang halaga ng kanilang inabuloy sa templo. Siguro, sobrang laki nito at hindi na kailangang bilangin pa. Basta, malaki ito! Ngunit kapansin-pansin na natuos ang kakarampot na halagang nanggaling sa balo:  dalawang kusing na katumbas ng isang pera.

Malaking abuloy ng mga may kaya, ng mga mayayaman laban sa dalawang kusing na inihulog sa abuluyan mula sa isang balo.  Kahit saang anggulo natin sipatin, hindi tamang ipagkumpara ang dalawa—dehado ang galing sa balo! Ngunit mayroong pagtutuos na alam ang ating Panginoon na kaiba sa paraan ng pagbibilang na itinuro sa atin ng mundo. Ang alam Niya at ipinasa sa Kanyang mga tagasunod ay hindi tumingin sa halaga ng kung anong ibinibigay ngunit sa bukas loob na pagbibigay. Hindi iyong galing sa bulsa, kung hindi yung galing sa puso.

Bukod sa dalawang kusing na iniwan ng balo sa templo, nag-iwan din siya ng araling hindi matutumbasan ng anumang halaga. Ang ating Panginoon ang nagbulalas nito sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”

Mga kapatid, hindi mahirap magbigay kung mayroon tayong sobra. Kung mayroon pang matitira sa atin. Pero ang inihahain sa atin ng Panginoon ay paano na kung wala nang matitira pa sa atin, magbibigay pa rin ba tayo? Ang dalawang kusing na iyon ay kumakatawan sa kabuhayan ng balo.

Ang halimbawa ng dalawang balong nabanggit sa ating mga pagbasa, ay masasalamin natin sa ating Panginoong Hesus.

Pero ano nga ba ang idinulot ni Hesus sa mundo? Ito ang tanong ng ating dating Santo Papang si Benedict XVI sa librong “Jesus of Nazareth.” Hindi daw puwedeng kapayapaan (mayroon pa ring digmaan), hindi rin naman puwedeng kasaganahan (marami pa ring nagugutom), hindi rin naman mas mainam na mundo (lublob pa rin ito sa kasalanan). Ano nga ba ang idinulot ni Hesus? Ang sagot ni Benedict XVI, “Dinala niya ang Diyos.”

Dahil sa ating Panginoong Hesus, tumambad sa atin ang mukha ng Diyos. Nasilayan natin ang mukha ng Kanyang pag-ibig. Pag-ibig na hindi nagtutuos, pag-ibig na hindi mapaghanap, pag-ibig na handang isuko ang lahat para sa ikabubuti natin.

Ito ang ipinahayag sa ikalawang pagbasa. Hindi lamang nagsilbing pari si Hesus upang mag-alay ng sakripisyo para sa atin. Hindi lang siya pumili ng pinaka-malusog na tupang handog. Upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan, inialay Niya ang Kanyang mismong buhay.

Sa halimbawang ito ni Hesus. Nawa’y makita natin na ang tumay na halaga ng pagbibigay ay masusumpungan sa ating kakayahang umibig nang walang  hinahanap na kapalit. Pag-ibig na walang sukat, pag-ibig na walang kondisyon, pag-ibig na walang hanggan!

Sa ating liturhiya ngayong Linggo, nakilala natin ang tatlong pigurang handang magbigay hindi mula sa kanilang kalabisan, nagbigay sila, kahit na wala na silang maibibigay pa. Nawa’y matutuhan din nating buhayin ang halimbawang kanilang ipinakita.

Mayroon pa rin tayong maibibigay. Hindi man siguro pera, o materyal na bagay.

Sa pag-alis natin ng Simbahan mamaya sa pagtatapos ng ating Misa, nawa’y ang pag-ibig ng ating Panginoon ay baunin natin upang tayo man din ay makapagbigay.

Matuto tayong magbigay ng walang hinihintay na kapalit, magbigay ng walang sukat, at umibig ng walang hanggan.

Ang Batas ng Diyos ay Landas ng Kaligayahan

Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon B
30 Agosto 2015

Aug 30, 22nd Sunday OT-B

Mapanganib na isipin na ang ating pagiging isang Kristiyano ay nakabatay sa pagsunod lamang sa batas ng Diyos. Ngunit hindi ba’t mga anak ang turing sa atin ng Ama, at hindi alipin? Kung ganoon pala, ang dapat nating pagtuunan ng pansin ay ang kalidad ng ating relasyon sa Panginoon. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos.

Kapag nakakatanggap ako ng balitang may isang seminarista ang nagdesisyong lumabas na ng seminaryo ng tuluyan, nalulungkot ako.

Ngunit mas nalungkot ako nang marinig ko ang dahilan ng isang personal kong nakilala kung bakit siya lumabas: Ang pakiramdam niya daw kasi ay nasasakal na siya sa mga policies ng seminaryo. At pagod na daw siya dahil sa pakiwari niya, pinapatakbo ng iskedyul na nakasulat sa bulletin board ng seminaryo ang buhay niya.

Naalala ko ito habang pinagninilayan ko ang liturhiya nating ngayong Linggo.

Sa unang pagbasa (Deut 4:1-2.6-8), nangangaral si Moises sa mga Israelita na unawain nilang mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo niya sa kanila. Kapag magkakagayon, makikita ng ibang bansa ang kanilang karunungan at lawak ng pang-unawa.

Dito, binibigyang diin ni Moises na ang pagtupad sa mga tuntunin ay hindi paniniil sa kanilang kalayaan. Bagkus, ito’y isang panuntunan ng isang buhay na ganap, isang buhay na malapit sa Panginoon.

Kung paanong ang isang manual ng isang gadget ay isinulat ng siyang gumawa nito, tayong mga nilikha ng Diyos ay makakasumpong lang ng isang buhay na may kaganapan kung susundin natin ang panuntunan ng Siyang lumikha sa atin.

Halos ganito rin ang tema ng ikalawang pagbasa (San 1:17- 18.21-22.27). Sa kanyang liham,  hinihimok tayo ni Santiago na buong pagpapakumbabang tanggapin ang Salita ng Diyos na naitanim sa ating mga puso, sapagkat ito ang makapagliligtas sa atin.

Konkreto ang binigay niyang halimbawa ng isang taong nagsasabuhay ng Salita ng Diyos:  tumutulong sa mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kahirapan, at iniingatan ang sarili na huwag mahawa sa kasamaan ng sanlibutang ito.

Sa Mabuting Balita (Mc 7:1-8.14- 15.21-23), nailagay naman sa alanganin ang Panginoong Hesus nang may makapansin sa Kanyang mga alagad na kumain nang hindi muna naghugas ng kamay sa paraang naaayon sa turong minana nila mula pa sa kanilang mga ninuno. At dahil disipulo Niya ang mga ito, maituturing na Siya mismong pinuno ay pinagsasawalang-bahala ang kautusan tungkol sa paghuhugas ng kamay.

Kung susuriin, ang paghuhugas ng kamay ay hindi naman isang batas na nakasaad sa kasunduan sa pagitan ng Panginoon at ni Moises. Ito’y bahagi lang ng matandang kaugaliang naging bahagi na ng kanilang tradisyon, na ayon sa mga Pariseo at eskriba’y kailangan ding tuparin tulad ng Batas ni Moises.

Katulad ng mga Pariseo at eskriba sa Mabuting Balita, may mga pagkakataong ang marami sa ati’y ang turing sa relihiyon ay isang listahan ng mga bagay na dapat gawin at iwasan. Sa katunayan, sa pagtatapos ng pagbasa, may mahabang listahan ng masasamang gawi ang sinabi ang Panginoon: pakikiapid, pagnanakaw, pagpatay, pangangalunya, pag-iimbot, pag-gawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, ka­palaluan, at kahangalan.

Ngunit ang ipinaparating sa atin ng ating liturhiya ngayong Linggo ang isang bagay na mas mahalaga dito: Ang kalidad ng ugnayan natin sa Panginoon.

Mapanganib na isipin na ang ating pagiging isang Kristiyano ay nakabatay sa pagsunod lamang sa batas ng Diyos. Ngunit hindi ba’t mga anak ang turing sa atin ng Ama, at hindi alipin? Kung ganoon pala, ang dapat nating pagtuunan ng pansin ay ang kalidad ng ating relasyon sa Panginoon.

Kung Ama ang turing natin sa Kanya, hindi tayo mag-aaksaya ng panahong pagtuunan ng pansin kung mali o tama ang ginawa natin. Ang dikta ng ating puso’y nakatuon sa kung paano tayo mas magiging mabubuting mga anak dahil sa ganitong paraan lang natin Siya mabibigyan ng kasiyahan.