Gospel Reflection

Padre Pio

download

David Herbert Lawrence, widely regarded as one of the most influential writers of the 20th century, beautifully conjures this line, “Death is the only pure, beautiful conclusion of a great passion.”

We see the concrete reality of this on how the first Pope of the Catholic Church breathed his last: he was crucified upside-down.

But that’s already how the life of Peter ended. Equally interesting is his reason of how he managed to offer his life for the sake of following Jesus.

In our Gospel passage today (Luke 9:18-22), we heard how St. Peter was able to identify who Jesus really is: the Messiah of God.

Of course, the Holy Spirit, must have revealed this truth to Peter. But we could also say that Peter also invested his time to know Jesus a lot deeper. His friendship with Jesus made him capable of identifying how Jesus is different from his other friends.

To speak of friendship with Jesus can sound so cozy and warm and harmless, as if God doesn’t do anything but to give all of us a group hug.

However, Paul Wadell, one of my favorite authors, warns us that it is dangerous to be a friend of God. This is so, because friends have expectations of each other and because every friendship changes us.

There may be grace and glory in being a friend of God, but there is also clearly a cost. Peter paid the price of his friendship with Jesus by his life.

Today, we commemorate St. Padre Pio. He was born in 1887, a year before Don Bosco had to leave for heaven. Padre Pio, too, had to pay a dear price because of his friendship with Jesus. When he was still alive, he had to bear the wounds of Jesus on his hands. Technically called stigmata, St Francis of Assiss and other saints also endured these wounds.

But more than the pain inflicted by his stigmata, it is the cruelty and harassment he received from unbelievers caused him to suffer more.

No less than the Church authorities forbade him to celebrate Mass publicly since he had started to attract the attention of many.

But when they found out that all his claims were truthful, he was given the signal to return to the public ministry.

We, too, are called to nurture our friendship with Jesus. Isn’t it one element of our Salesian spirituality Friendship with Jesus?  But, let me remind you, there is a price we have to pay.

Perhaps, it’s far from being crucified upside-down, nor be given a gift of stigmata, but we are expected to behave like our friend Jesus behaves: patient with one another, kind to others, merciful, polite, gentlemanly, and compassionate.

Let the oft quoted reminder of Don Bosco “Do your ordinary duties, extraordinarily well” become our life principle.

May this Eucharistic celebration remind us that Jesus Himself paid such a costly price so that He could keep us beside Him. So that we could enjoy His friendship.

May our thoughts, words and deeds today show that we value our friendship with Jesus.

Advertisements

Naligaw, Nawala, at Nagwala

Human-Rights-500x261.png

Graphics courtesy of PCIJ.org

Tatlong kuwento ang matutunghayan natin sa ating Mabuting Balita (Lucas 15:1-10) ngayong Linggo. Ngunit ang bawat isa’y tumutukoy lang sa isang mensahe: Pinakatatangi ng Diyos ang mga naliligaw (salaping pilak), ang mga nawawala (tupa), at maging ang mga nagwawala (ang alibuhgang anak).

Ang tatlong ito’y sumisimbolo sa bawat isa sa ating patuloy na hinahanap at hinihintay ng Panginoong manumbalik sa Kanya.

Ang puso ng Diyos ay puno ng awa at habag. Ito ang mensahe ng ating unang pagbasa (Exodo 32:7- 11.13-14). Mayroon Siyang dahilan upang kamuhian tayo. Madalas kasi, lagi natin Siyang kinakalimutan. Ngunit paulit-ulit Niyang ipinaparanas sa atin ang Kanyang pagpapatawad at pagmamahal.

Si San Pablo, sa ating ikalawang pagbasa (1 Timoteo 1:12- 17), ay maaaring magsilbing isang halimbawa kung paano naging mapagpatawad ang Panginoon. Naging instrumento siya ng kalupitan sa mga tagasunod ng Panginoon, ngunit hindi lamang siya pinatawad nito. Higit pa dito, tinawag siya upang maging alagad ng Panginoon.

Sa pasimula ng liham niya kay Timoteo, inilahad niyang ang Panginoon ang patuloy na nagbibigay sa kanya ng lakas upang magpatuloy sa kanyang gawain.

Hindi naman kasi madali ang magpatawad, ‘di ba? Nais nating iparamdam sa mga taong nakapanakit sa atin ang galit natin. At kung tayo lang ang masusunod, lintik lang ang walang ganti! Ngunit hindi ito ang paraan ng Diyos.

Lahat tayo ay mayroong pagkukulang sa Ama. Isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Hesus upang lahat tayo’y Kanyang tipuning muli. Kay Hesus, mababanaag natin ang mukha ng Amang mapagkalinga, mapagpatawad at mapagmahal.

Nawa’y mapaalala sa atin nito na kapootan ang kasalanan, h’wag ang may sala! At ang kumakalat na ideya na ang mga kapatid nating nalulong sa ipinagbabawal na droga ay “hindi na dapat ituring na tao” ay isang tahasang pagsalungat sa mensaheng ito ng Ebanghelyo. Ginagamot ang mga katulad nila, hindi pinapatay.

Kung tunay tayong mga tagasunod ni Kristo, ang misyon natin ay tularan ang Kanyang halimbawa: Hanapin ang mga nawawala, ibalik sa daan ang mga naliligaw at mahirap man itong intindihin, amuin ang mga nagwawala!

 

Huwag #Feelingero!

Ika-22 inggo sa Karaniwang Panahon–K
28 Agosto 2016

August 28.jpg

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary

Huwag feelingero.

Ito ang diwa ng payo ng ating Panginoon sa Kanyang talinghaga sa ating Mabuting Balita ngayong Linggo (Lucas 14:1.7-14).

Kapag may handaan, huwag pakahanapin ang natatanging posisyong. Sa halip, makuntento sa pinaka-hamak.

Ang lawak ng sakop ng payong ito ng Panginoon—at hindi lang para sa handaan. Makikita kasi ang epekto ng pagmamagaling sa iba’t-ibang aspeto ng ating pang-araw-araw na buhay—sa eskwelahan, sa basketball courts, at maging sa social media!

Sa biglang tingin, iisipin natin na kailangan tayong magpakababa para sa iba para mas kalugud-lugod tayo sa paningin ng Diyos. Pero kung tutuusin, ang payong ito ng Panginoon ay para rin sa ating kapakanan. Hindi ba’t ayaw natin ng mga taong saksakan ng yabang, ‘yung ang tingin sa sarili ay “Gods gift to mankind?”

Sa ating unang pagbasa (Ecclesiastes 3:17-18.20.28-29), binibigyang diin ang kahalagahan ng kababaang-loob na sumisimbolo sa pananabik sa tunay na karunungan. Alam ng mga may mabababang loob kung saan sila lulugar. At katulad ng winika ng Panginoon sa Mabuting Balita, ganito rin ang mensahe ng aklat na ito para sa lahat, “Habang ikaw’y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba; sa gayo’y kalulugdan ka ng Panginoon.”

Kapag mataas kasi ang tingin natin sa ating sarili, hindi pwedeng hindi natin tingnan ang iba na kasing kapantay din natin. Ngunit ayon sa diwa ng liturhiya ngayong Linggo, inaanyayahan tayong baguhin ang ganitong gawi. Dahil may masamang epekto ito sa ating buhay. Kapag mataas ang tingin natin sa sarili natin, hindi malayong magkaroon tayo ng self-entitlement. ‘Yun bang pag-iisip na dahil magaling ako, dapat nirerespeto ako ng tao, walang tanong tanong, bow lang sila sa gusto kong mangyari.

Ang halimbawa natin ng kadakilaan ay ang ating Panginoong Hesus. At ang mga pinunong katulad Niya ay hinding hindi natin pagsasawaang dikitan dahil sa kababaan ng Kanyang loob. Sa ikalawang pagbasa (Heb 12:18-19.22-24), binibigyang diin na ang Panginoong Hesus ang tagapamagitan sa Bagong Tipan.

Siya ay Diyos na nagkatawang-tao. Hinubad Niya ang Kanyang kapangyarihan. Nagpakababa. Naging aba. At dahil sa Kanyang pagkakatawang-tao, nagkaroon tayo ng pagkakataong masilayan ang kadakilaan ng Ama. Si Hesus ang ating huwaran ng kababaang-loob, ‘yun bang hindi nangingiming makisalo sa atin, hindi upang magmagaling at ipamukha sa ating makasalanan tayo, ngunit upang iparamdam sa ating mayroong kadakilaan sa bawat isa sa atin, kung matututo lang tayong magpakababa.

At hindi Niya ito inihayag sa atin sa pamamagitan ng salita, naging katulad Niya tayo. At hinding hindi natin mapapantayan ang ginawa Niyang ito. Diyos kasi Siya e.

Kaya naman ang hamon Niya sa atin “pay it forward.” Gumawa ng kabutihan sa iba. Dun sa mga taong hindi natin inaasahang matutumbasan ang kabutihan natin sa kanila.

Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo. Hindi sila makagaganti sa iyo at sa gayo’y magiging mapalad ka. Gagantihan ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal.

Tularan natin ang Kanyang halimbawa.

Manindigan Tayo!

Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon–K
14 Agosto 2016

wp-1470872815881.jpeg

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary Canlubang

Nitong nagdaang linggo lang, naging laman ng iba’t-ibang balita sa diyaryo, TV o maging sa internet man ang pagkabahala ng mga Salesyanong pari at brothers ng FIN Province tungkol sa lumalaking bilang ng mga nabibiktima sa extra-judicial killings.

Sa kabila ng maingat at magalang na pagkakalahad ng mga punto sa naturang pahayag, hindi pa rin ito nakaligtas sa ilang mararahas na komento mula sa mga netizens. Sabi ng isa, “Kanya kanya kayong trabaho – wag kayong makisawsaw sa trabaho ng iba!” Pero mas nagulat ako sa pahayag ng isa pang nagkomento, “kayo sana susunod na tirahin ng mga kriminal!”

Nakalulungkot dahil ang isang responsableng paglalahad ng paninindigan para sa kadakilaan ng buhay ay tila hindi naman kalugod-lugod para sa iba.

Ngunit kung tutuusin, hindi na dapat pa akong magtaka—at panghinaan ng loob—kung bakit ganito ang reaksyon ng iba. Kung nagsisikap tayong gumanap sa kalooban ng Diyos, mas marami tayong maririnig na puna.

Ito ang mapapansin natin sa ating mga pagbasa ngayong Linggo.

Sa ating unang pagbasa (Jeremias 38:4-6.8-10) biglang naglaho ang kasikatan ni Propeta Jeremias dahil sa pagsisikap niyang gampanan ang kanyang tungkuling ipahayag ang katotohanan. Dahil din dito, nalagay pa sa panganib ang kanyang buhay.

Ngunit dahil nanindigan siya para sa katotohanan, hindi siya pinabayaan ng Panginoon. Ito rin ang misyon natin bilang mga binyagang Katoliko, mga tagasunod ng ating Panginoong Hesu-Kristo, ang mamuhay sa panig ng katotohanan.

Samantala, hinihimok naman tayo ni San Pablo sa ikalawang pagbasang (Hebreo 12:1-4), ituon ang atensyon sa buhay ng ating Panginoon. Huwaran at inspirasyon Siya para sa ating lahat, lalong higit kung dumaraan tayo sa isang malaking pagsubok. Pinapaalala sa atin ni San Pablong kung gaano ang tiniis ng Panginoon sa paglaban sa kasalanan upang hindi tayo manlupaypay o panghinaan ng loob, ganito din susubukin ang ating katapatan. Iwaksi natin ang kasalanan, at ang anumang balakid na pumipigil sa atin.

Ang ‘makapal na ulap ng mga testigo’ ang maaaring magbigay sa atin ng inspirasyon upang maisagawa ito. Pangunahin na dito ang halimbawa ng ating Panginoong Hesu-Kristo.

Kaya nga sa Mabuting Balita (Lucas 12:49-53), iwinawasto ng ating Panginoon ang dulot ng Kanyang pagparito sa lupa—hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi!   Maaari nating ikagulat ang pahayag Niyang ito, sapagkat ang turing natin sa Kanya ay tagapaghatid ng kapayapaan.

Ngunit ang kapayapaang taglay Niya ay hindi lang isang mababaw na kapayapaang kawalan ng digmaan.

Ang kapayapaang dulot ni kristo ay kapayapaang nakasalig sa katotohanan na kadalasan ay hindi tulad ng kapayapaang hatid ng mundo.

Ang kapayapaang ito ay mararanasan lamang ng mga taong marunong manindigan at handang itaya ang lahat maging ang seguridad at buhay para sa katotohanan.

Kaya nga ang pagsunod natin kay Kristo ay maaaring  magbunga ng pagtutunggalian at pagkakabaha-bahagi—kahit pa sa mga taong itinuturing nating pamilya at mga taong malalapit sa atin.

Ngunit kung seryoso tayo sa pagsasabuhay ng ating pagiging isang Kristiyano, maninindigan tayo, kahit na ano pa man ang kapalit nito.

Buhay natin…

Ang pag-ibig daw ay parang facebook. Pwedeng i-like, pwede ring i-comment, pero hindi dapat i-share.

Ngunit tila ganito ang nangyari sa ating mga pagbasa ngayong araw. May nagmahal, may nagloko. May nasaktan.

Sa unang pagbasa, mula sa aklat ni Propeta Ezekiel (16:1-15, 60, 63), natunghayan natin kung paanong nagmahal ang Diyos. Minahal Niya ang Kanyang bayan nang masilayan Niya itong iniwan na lang sa tabi ng daan. Tinulungan Niya itong mabuhay, sinuportahan, labis na inalagaan. Ngunit nang malaki na ito, makatatayo na sa sarili nitong paa, basta na lang nang-iwan. Ang bilis niyang ipinagpalit ang Diyos sa unang lalaking kanyang nasilayan.

Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit ganoon ang tono ng pasimula ng ating Mabuting Balita (Mateo 19:). Ang banat ng mga Pariseo sa ating Panginoon: Naaayon ba sa kautusan na makipaghiwalay ang isang lalake at ang kaniyang asawa?

Ngunit hindi ito pinatulan ng Panginoon. At ang hirit Niya sa kanila: Ang pinagsama ng Diyos, huwag paghiwalayin ng tao!

Dama ng Diyos ang hapdi at sakit ng damdamin ng isang umibig ng sobra at nasawi. Ngunit gayunpaman, pansin nating hindi siya marunong madala. Sabi nga ng kanta ni Gary V. “Di na natuto.”

Iyon din ang hamon Niya para sa atin. Kaya nga paulit-ulit nating ginaganap ang Banal na Eukaristiya, simbolo ng walang sawang pagmamahal Niya sa atin.Sa pagsasalu-salong ito, inaala natin ang pag-aalay ng buhay para sa atin. Kahit na hindi naman tayo karapat-dapat mahalin.

Kaya nga sana, ang Misa ay hindi lang isang ritwal para sa atin. Manalangin tayong, ito nawa ay maging ang buhay natin.

Kanino Ka ba Humuhugot?

Ika-19 Linggo sa Karaniwang panahon—Taon K
07 Agosto 2016

Yo5AuELd.jpg

  • What’s the difference between this car and our relationship? This car is going somewhere.
  • Di pa nga kayo, umiiyak ka na kaagad. Ano yan, rehearsal?
  • Yung “bahala daw ay” 30% ita-try ko pa. Pero 70% nun ay ayaw ko na talaga.

Usong-uso ang hugot lines ngayon. Sa text, sa FB, maging sa mga diskusyon sa klase. Ngayong Linggo, maging sa ating mga pagbasa, may mga hugot lines din! Ngunit kaiba sa karaniwang tema ng mg hugot lines, iba ang pinaghuhugutan ng mga ito: Ang pananampalataya sa Panginoong nagpapalaya at nagbibigay ng kagalakan sa kanila.

Sa unang pagbasa (Karunungan 18:6-9), nagbabalik-tanaw tayo sa isa sa mga tampok na pangyayari sa kasaysayan ng Israel: Ang pagpapalaya sa kanila ng Panginoon mula sa pagkaalipin sa disyerto ng mga Egipcio.

Madilim man ang ‘gabing’ nabanggit sa pagbasa, ngunit dahil sa liwanag na taglay ng kanilang pananampalataya sa Panginoon, napalitan ng kaligtasan at kagalakan ang dapat sana’y lagim na mamamayani sa gabing iyon. Anupa’t naging isang bayan sila sa ilalim ng pamamatnubay ng ating Panginoon.

Ilan nga ba sa atin ang kapag may problemang kinakaharap ay ‘di makatulog, o kaya nama’y ‘di na rin makakain sa kakaisip ng solusyon dito. Ngunit pag nalusutan na natin ito,  at lilingunin natin ang tagpong iyon ng ating buhay, mapapagtanto nating “Hindi naman pala ganun kahirap iyon! Salamat sa Diyos!”

Sa ikalawang pagbasa (Hebreo 11:1-2.8-19), nagpapatuloy ang tema ng pananalig sa Panginoon. Sa liham na ito, pinapaalala sa atin ng may akda ang pambihirang halimbawa ng ating mga magulang sa pagtalima sa kalooban ng Panginoon.

Nakasentro ang atensyon nito kay Abraham, ang tinaguriang “Ama ng Pananampalataya.” Nagtiwala siya sa Diyos kahit na wala namang katiyakan kung saan siya dadalhin ng Panginoon, at kung ano ang maaaring kahihinatnan niya.

Kung ang dalawang naunang pagbasa ay humugot sa nakaraan, ang paksa naman ng ating Mabuting Balita (Lucas 12:32-48) ngayong Linggo ay nag-uusisa kung anong mayroon ang ating pangkasalukuyan, at ang epektong maaaring idulot nito sa kung ano ang mangyayari sa hinaharap, “Kung saan naroon ang inyong kayamanan ay naroon din naman ang inyong puso.”

Ang bahaging ito ng ating Mabuting Balita ay karugtong ng Mabuting Balitang ipinahayag noong nakaraang Linggo. Tinatalakay nito ang tungkol sa ating pag-aari. May materyal na bagay ba na umaagaw ng ating atensyon upang makapag-lingkod ng buong puso sa Panginoon? O ‘di kaya naman ay kapangyarihan, gawain, o taong umaagaw ng atensyon mula sa Diyos?

Hindi naman masama ang mag-hangad ng materyal na bagay, o umasam ng tagumpay sa pamamagitan ng ating pagsisikap. Pero dapat lang na ilagay natin sa tamang lugar ang mga bagay. Dapat lang na may lugar ang Diyos sa ating buhay. Kung mawawala Siya sa buhay natin, sandali lang, wala atang halaga ang ating pagpapagal, dahil namumuhunan tayo para lamang sa isang bagay na naluluma, nalalaos at nabubulok.   Nakalulungkot, dahil marami sa atin ang hindi na magawang makapagsimba tuwing Linggo dahil marami pang mas mahahalagang gawin sa araw na ito.

Sa SWS survey na isinagawa noong 2013, 37 % lang ang mga Katolikong regular na nagsisimba tuwing Linggo. Sa parehong survey din na iyon, napag-alaman na tayong mga Katoliko ang pinakamababa ang attendance kumpara sa ibang relihiyong dumadalo sa lingguhang pagtitipong pagsamba.

Tama lang na tanungin kung tunay nga bang mayroon tayong pagtitiwala sa Diyos, bakit tila hindi naman Siya mahalaga sa atin.

Narinig nating sinabi ng ating Panginoon sa pasimula ng ating Mabuting Balitang huwag tayong matakot, sapagkat, ikinalulugod ng Ama na ibigay sa atin ang Kanyang kaharian. Magtiwala tayong ang kaharian ng Diyos ay sapat na! Ang una at ikalawang pagbasa ay magpapa-alala sa atin na tapat ang Panginoon sa mga taong nagtitiwala sa Kanya. Hinahamon tayo ng ating liturhiya ngayong Linggong huwag matakot magtiwala sa Panginoon. Sa piling Niya, tiyak na may patutunguhan ang buhay natin.

 

100 na Anghel

Ika-16 Linggo sa Karaniwang Panahon–Taon K
17 Hulyo 2016

July 17

Graphics by Asp Paul Lopez, Don Bosco Seminary Canlubang 

Mayroong paniniwala ang mga Hudyo na ang Diyos daw ay nagpapadala sa atin ng 100 na anghel araw-araw. Imagine? 100 na anghel araw araw!

Kaya nga, kung tutuusin, wala namang ispesyal sa pagbisita ng Anghel Gabriel kay Maria upang ihatid sa kanya ang balitang maglilihi siya at isisilang niya ang anak ng Diyos.

Kung mayroon mang kakaiba sa tagpong ito, nakilala ni Maria na ang anghel na ito ay galing sa Panginoon. Sanay ang kanyang mga mata sapagkat ang bawat sandali ng kanyang buhay ay ginugol niya sa pananalangin.

Tampok sa ating liturhiya ngayong Linggo ang mga personalidad sa Bibliyang tumanggap sa Panginon, hindi lamang sa kanilang pamamahay, ngunit at higit sa lahat, maging sa kanilang buhay.

Sa unang pagbasa, napakainit ng pagtanggap ang ipinakita ni Abraham sa kanyang mga panauhin. Detalyado sa aklat ng Genesis kung paano niya sinalubong ang mga ito: patakbo siyang lumapit sa kanila, inalok na tumuloy sa kanila, kumuha ng tubig na maiinom at ng pang-hugas ng mga paa, at ipinaghanda sila ng ispesyal na pagkain.

Hindi nakapagtataka ang ginawa ni Abraham sapagkat para sa mga Hudyong katulad niyang batid kung paano mamuhay sa disyerto, sensitibo sila sa pangangailangan ng kanilang kapwang maaaring uhaw na uhaw at pagod na pagod sa paglalakbay.  Kung mayroon mang ispesyal kay Abraham, nakilala niya ang Panginoon sa kanyang mga panauhin.

Sa ikalawang pagbasa, inihayag ng Diyos ang isang misteryo sa bawat isa sa atin, ngunit alam nating hindi naman lahat ay tinanggap ito. Si Pablo ay hinirang upang ikalat ang balita tungkol sa misteryong ito. Pero teka lang, ano nga ba ang kamangha-manghang hiwagang ito? Ito ay ang katotohanang “Sapagkat sumaatin si Kristo, nagkaroon tayo ng pag-asang makapiling ang Diyos sa kaluwalhatian.”

Kaya nga ang may mga problema mang darating at krisis tayong pagdaraanan, sapat na mabatid natin ang katotohanang ito upang maging kampante ang ating mga damdamin. Sapat na si Kristo!

Tampok naman sa ating Mabuting Balita ang tila dalawang modelo ng pagtanggap sa Panginoon. Isa ay ang ehemplong ipinakita ni Marta, at ang isa naman ay ang galing kay Maria. Limang verses lang mayroon ang Mabuting Balitang ito, pero ang galing ng pagkakalahad. Lapat na lapat ang mensaheng gustong iwan sa atin ng Panginoon: Sa bawat isa sa ating hindi magkanda-ugaga sa dami ng ginagawa, may puwang pa nga ba ang Panginoon sa buhay natin?

Sa tagpong ito ng ating Mabuting Balita, ang Panginoon na mismo ang tumawag sa pansin kay Marta at sinabi Niya ditong “balisang balisa siya at abalang abala sa maraming bagay.” Kung tutuusin, ang mga bagay na ginagawa ni Marta ay para din naman sa Panginoon;  hindi siya nagsasayang ng panahon. Ngunit nais siyang turuan ng Panginoon ng isang bagay: Iisa lamang ang talagang kailangan.

At ang bagay na ito ay masusumpungan natin sa halimbawang ginanap ni Maria sa ating Mabuting Balita—naupo siya sa piling ng Panginoon upang makinig sa Kanya. Ganito rin marahil ang hamon sa bawat isa sa atin: Ang Panginoon dapat ang una!

Ngunit matututuhan lamang natin ito kung magagawa nating tularan si Maria na umupo sa paanan ni Hesus upang makapakinig sa Kanya. Sinabi ng Panginoong hindi naman masama ang maging aligaga sa mga bagay bagay. Ngunit binigyang diin Niyang “mas mabuti” ang pinili ni Maria: Inuna niya ang Panginoon.

Halina’t disiplinahin ang sariling mag-ukol ng ilang sandali kasama ng Panginoon. Upang katulad ni Maria, Abraham, at ni Pablo, makilala natin ang bawat 100 anghel na darating sa atin ngayon.  Kapag ginanap natin ito, magaganap natin ang kalooban ng Panginoon, katulad ng kung paano kumilos si Mariang ina natin.