homiliya

Ina ng Santo Rosaryo

rosary-banner-2

Litrato mula sa ihradio.com

Narinig natin sa ating unang pagbasa (Gawa 1 : 12-14) na nang nilisan ng Panginon ang ating mundo upang umakyat sa kalangitan, hindi Niya tayo talagang iniwan. Sapagkat naroroon ang mga apostol na kumakatawan sa bagong tatag Niyang Simbahan.

At siyempre, nandoon din kasama nila ang Mahal na Ina.

Patunay lang ito na habang buhay tayo, hindi tayo makaka-graduate talaga sa problema, pero sinisigurado sa ating hinding hinding hindi tayo mag-iisa.

Makakaasa tayo sa tulong ng ating Mahal na Ina. Dahil “napupuno siya ng grasya.” Kaya nga sa Mabuting Balita (Lucas 1:26-38), nagulumihanan man siya, hindi man niya naintindihan ang binalita sa kanya ng Anghel, pero nanalig pa rin siya.

Ngayon, ginugunita natin ang Ina ng Santo Rosaryo, at inaanyayahan tayong huwag mag-alinlangang magtiwala sa pag-ibig ng Panginoon.

Nakita natin ang taglay Niyang kapangyarihan hindi lamang sa buhay ng ating Mahal na Ina, kung hindi, maging sa kasaysayan din ng ating Simbahan.

Noong ika-labing anim na siglo sa mismong araw din na ito, nagkaroon ng labanan sa karagatan sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim. Dehado tayo sa laban. Mas madaming ‘di hamak ang bilang ng  barko ng kalaban. Ganun din ang bilang ng kanilang mga sundalo. Naitala din na masama ang lagay ng panahon noong mga araw na iyon.

Ngunit dahil sa pag-gabay ng ating Panginoon sa pamamagitan ng ating Mahal na Ina, nanaig ang puwersa ng mga Kristiyano.

Sa pamamagitan ng aral na ito na hatid ng kasayasayan, inaanyayahan din tayong magtiwala—tumaya sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos.

Patuloy nating hingin natin ang tulong ng ating Mahal na Inang patuloy niya tayong akayin patungo sa Anak Niyang si Hesus.

Advertisements

Ang Hamon ng ating Pagiging Kristiyano

Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon–K

18 Setyembre 2016


​Nang bininyagan tayo, hindi lang tayo naging bahagi ng Simbahan. Tinanggap din natin ang responsibilidad na tularan ang ating Panginoon. Ipinagkatiwala sa bawat isa sa atin ang hamong itatag ang Kaharian ng Langit kahit na nandito pa lang tayo sa lupa. 

Bnibigyang diin ng ating liturhiya ngayong Linggo ang misyon nating ito bilang mga Kristiyano.  

Sa unang pagbasa (Amos 8:4-7), pumapaimbabaw ang tinig ni Propeta Amos sa pagpapa-alala sa ating huwag maging ganid sa salapi. Bagamat nakatuon ang kanyang atensyon sa mga mangangalakal na nandaraya sa kanilang paninda sa pamamagitan ng pag-gamit ng maling takalan at pandaraya sa timbang sa mga mamimili, ang paalalang ito ay tumimo rin sa ating puso. 

Baka naman, kahit na hindi kailangan, nagta-trabaho pa rin tayo sa araw ng Linggo, at lalo na kung dahil sa trabaho ay hindi natin nahaharap ang ating tungkuling magsimba sa Linggo. 

Huwag naman sana.

Hindi lang ang mga dukha at api sa lipunan ang dapat nating abutan ng katarungan, ng justice—ang katarungan din ay ang pagtutuon ng panahon sa pag-samba sa Diyos na makapangyarihan.    

Sa ating pagsamba sa Panginoon, ipinapaalala sa atin ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa (1 Timoteo 2:1-8), na dalhin natin ang intensyon ng ating mga pinuno. Kalugod-lugod ito sa Panginoon. Marami ang bumabatikos sa pangkasalukuyang pamumuno ng ating pamahalaan. At sa siping ito ng liham ni San Pablo, inaanyayahan tayong ipanalangin ang ating mga pinuno, hindi lamang “upang makapamuhay tayo nang tahimik at payapa, marangal,” higit sa lahat, upang makapamuhay tayo nang “may kabanalan.”

Nang naparito sa ating bansa ang Santo Papa noon lang nakaraang taon, muli niya tayong hinimok na magsilbing ilaw ng pananampalataya para sa kontinente ng Asya na hindi pa kumikilala kay Kristo. 

Sana, sa halimbawa natin bilang isang bayan, maging tunay tayong tagapagtaguyod ng Ebanghelyo. 

Sa kuwento ni Hesus sa ating mabuting balita ngayong Linggo (Lucas 16:1-13), mayroon din Siyang tila ini-endorsong isang mabuting halimbawa. Pero magtataka tayo marahil, kasi para atang bad example ang napili Niyang halimbawa.  Sa kuwento kasi, hindi ito tapat, walang honesty, mandaraya!

Ngunit hindi ang pandaraya ang tinutukoy ng Panginoon, kung hindi, ang kanyang pagiging creative, pagiging malikhain, sa pagsasalba ng kanyang sarili sa panganib na sasalubong sa kanya sakaling matanggal siya sa puwesto. 

Ito ang aspetong binibigyang diin ng Panginoon—na kung sana, magiging ganito rin tayo ka-‘creative’ sa pagbuhay ng ating pananampalataya upang ma-ganyak ang ibang tularan tayo. 

Maraming taon na ang nakakaraan, may kasama akong kaibigan sa isang malaking mall. Napadako kami sa shelf kung saan nandoon naka-posisyon ang mga condoms. Tila inagaw ng atensyon ng kaibigan ko ang pagkaganda-gandang wrappers ng mga ito. Parang candy. Napakakukulay. Magaganyak pati ang mga musmos na batang kunin at bilhin ito. 

Tapos, naibulalas ng kaibigan ko, sana ganito rin tayo ka-creative pagdating sa pagpapakalat ng Ebanghelyo.   

Sa ating pagdalo sa Misa ngayong Linggo, sana ay hilingin natin sa Diyos ang tanging inspirasyon na magpapatibay sa ating pananampalataya sa Diyos upang lalo itong maging kaakit-akit para sa iba. Nang sa gayon, tunay tayong makakatupad sa ating tungkuling ipalaganap ito sa iba. 

Huwag #Feelingero!

Ika-22 inggo sa Karaniwang Panahon–K
28 Agosto 2016

August 28.jpg

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary

Huwag feelingero.

Ito ang diwa ng payo ng ating Panginoon sa Kanyang talinghaga sa ating Mabuting Balita ngayong Linggo (Lucas 14:1.7-14).

Kapag may handaan, huwag pakahanapin ang natatanging posisyong. Sa halip, makuntento sa pinaka-hamak.

Ang lawak ng sakop ng payong ito ng Panginoon—at hindi lang para sa handaan. Makikita kasi ang epekto ng pagmamagaling sa iba’t-ibang aspeto ng ating pang-araw-araw na buhay—sa eskwelahan, sa basketball courts, at maging sa social media!

Sa biglang tingin, iisipin natin na kailangan tayong magpakababa para sa iba para mas kalugud-lugod tayo sa paningin ng Diyos. Pero kung tutuusin, ang payong ito ng Panginoon ay para rin sa ating kapakanan. Hindi ba’t ayaw natin ng mga taong saksakan ng yabang, ‘yung ang tingin sa sarili ay “Gods gift to mankind?”

Sa ating unang pagbasa (Ecclesiastes 3:17-18.20.28-29), binibigyang diin ang kahalagahan ng kababaang-loob na sumisimbolo sa pananabik sa tunay na karunungan. Alam ng mga may mabababang loob kung saan sila lulugar. At katulad ng winika ng Panginoon sa Mabuting Balita, ganito rin ang mensahe ng aklat na ito para sa lahat, “Habang ikaw’y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba; sa gayo’y kalulugdan ka ng Panginoon.”

Kapag mataas kasi ang tingin natin sa ating sarili, hindi pwedeng hindi natin tingnan ang iba na kasing kapantay din natin. Ngunit ayon sa diwa ng liturhiya ngayong Linggo, inaanyayahan tayong baguhin ang ganitong gawi. Dahil may masamang epekto ito sa ating buhay. Kapag mataas ang tingin natin sa sarili natin, hindi malayong magkaroon tayo ng self-entitlement. ‘Yun bang pag-iisip na dahil magaling ako, dapat nirerespeto ako ng tao, walang tanong tanong, bow lang sila sa gusto kong mangyari.

Ang halimbawa natin ng kadakilaan ay ang ating Panginoong Hesus. At ang mga pinunong katulad Niya ay hinding hindi natin pagsasawaang dikitan dahil sa kababaan ng Kanyang loob. Sa ikalawang pagbasa (Heb 12:18-19.22-24), binibigyang diin na ang Panginoong Hesus ang tagapamagitan sa Bagong Tipan.

Siya ay Diyos na nagkatawang-tao. Hinubad Niya ang Kanyang kapangyarihan. Nagpakababa. Naging aba. At dahil sa Kanyang pagkakatawang-tao, nagkaroon tayo ng pagkakataong masilayan ang kadakilaan ng Ama. Si Hesus ang ating huwaran ng kababaang-loob, ‘yun bang hindi nangingiming makisalo sa atin, hindi upang magmagaling at ipamukha sa ating makasalanan tayo, ngunit upang iparamdam sa ating mayroong kadakilaan sa bawat isa sa atin, kung matututo lang tayong magpakababa.

At hindi Niya ito inihayag sa atin sa pamamagitan ng salita, naging katulad Niya tayo. At hinding hindi natin mapapantayan ang ginawa Niyang ito. Diyos kasi Siya e.

Kaya naman ang hamon Niya sa atin “pay it forward.” Gumawa ng kabutihan sa iba. Dun sa mga taong hindi natin inaasahang matutumbasan ang kabutihan natin sa kanila.

Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo. Hindi sila makagaganti sa iyo at sa gayo’y magiging mapalad ka. Gagantihan ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal.

Tularan natin ang Kanyang halimbawa.

God of Surprises!

Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon–K
5 Hunyo 2016

wp-1464550839303.jpeg

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary

Marami sa atin ang gusto ng magic. Kahit na alam nating dinadaya lang naman tayo nito. When we were kids, it left us breathless. And even now that we are already grown-ups, it still surprises us.

Alam nating kapag nahati ang katawan ng tao, tiyak patay ito. Kapag ganun, siyempre mag-iiyakan tayo. Pero hindi sa magic. In fact, kapag nahati ang katawan ng babaeng assistant ng magician, magpapalakpakan pa tayo. Kasi nga, sa magic, may happy ending.

And for most of us who were initiated to fairy tales when we were kids were accustomed to the phrase “and they live happily ever after.” At nang tumanda tayo ng kaunti, we insist that the producers make sure that soap operas we watch on TV ought to end with a happy ending.

Sa liturgy natin ngayong Linggo, we come to see and appreciate that facet of God which surprises us, a God who also, like us, loves happy ending.

Sa first reading, this merciful God used the Prophet Elijah in showing how compassionate God is to the grieving widow who lost her only child. Maiintindihan natin kung bakit ganun na lang ang galit ng biyuda kay Elijah. Sa mga kabataan ngayon, ang tawag nila dito, may #hugot. Kasi nga naman, kahit na tag-gutom, she welcomed Elijah since who claimed to represent God. And yet, despite this good act, something terrible happened to her. She lost her only child.

But there was a twist to the story. The boy lived again, thanks to God’s intervention. And so, the woman had a first hand experience of God’s goodness. That’s the time she believed.

Sa second reading, St. Paul wrote a letter to the Galatians. Kasi nga, the community was undergoing deep crisis. There was a growing faction between the Christian converts who were once Jews and the non-Jews who were newly baptized as Christians. Paul had to intervene. But before he could do that, he needs to establish his credibility. Sino nga naman ba ang nagbigay ng authority para ayusin niya ang sigalot ng dalawa?

Paul had to mention his experience as a devout Jew, and his conversion to the person that he is now. However, he owes this transformation to no one, save from God who is so good in calling him even before he was in the womb of his mom.

Hindi kinailangan ng Diyos si St. Paul para matupad ang nais Niya. And yet, because He is good, He entrusted His work to him. And Paul saw that. Perhaps, we could learn from this humility of Paul. God does not need us. It is the other way around. In Fact He knows our needs even before we could tell Him about them. Our Gospel this Sunday proves this.

Nasalubong ni Jesus ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang babaing balo. Unlike the widow featured in the first reading, this poor lady was not expressing any anger about the loss of her son, her only child. In fact, in this episode, we did not hear from her any single word. Siguro, she was just grieving by herself.

This is how St. Luke described the encounter, “Nahabag ang Panginoon nang makita ang ina ng namatay.” This compassion which Luke associated with Christ moved Him to comfort the widow, and tell her, weep not. Huwag kang tumangis.

The word compassion literally means to “suffer with,” to take on the pain of the other person, to be identified with the other person and to feel the other person’s pain. This is the brand of compassion which led Jesus to comfor the widow. This is an example of a compassion in action.

This same compassion for us made Him suffer for, be cruified for us, and eventually, this same compassion made Him offer His life for us.

God is a God of suprises. He cannot be contained in the conventions made by man. And I am sure, He also expects that we, too, having felt His goodness, His compassion, His love, may come to our senses that God expects us to to surprise Him by granting forgiveness to that one person we hold our grudge against for the longest time, by cutting off that habit which makes us feel so distant from God’s love reach, by allowing us to be loved by Him.

 

Ang Hamon ng Espiritu Santo

Dakilang Kapistahan ng Pagbaba ng Espiritu Santo—Taon K
Ika-15 ng Mayo 2016

May 15

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary. 

“Anumang bagay na mahalaga ay hindi nakikita ng mga mata.” Ito ang isa sa mga paborito kong linya sa librong “Ang Munting Prinsipe” na iniakda ng Pranses na manunulat at pilotong si  Antoine de Saint-Exupéry.

Kinakatawan kasi ng linyang ito ang maraming katotohanan sa buhay. Madalas, mas pinapahalagahan natin ang mga bagay na nabibili, nasusukat, o ‘di kaya naman ay nabibilang. Ngunit may mga pagkakataong dumarating sa buhay nating nakikilala nating walang katumbas ang mga bagay na hindi nahahawakan ng kamay o nakikita ng mata, ngunit nanunuot naman sa kaibuturan ng ating pagkatao.

Sa ganitong paraan din natin maaaring sipatin ang pinagdiriwang natin ngayong Linggo—Ang Pagbaba ng Espiritu Santo.

Sa unang pagbasa (Gawa 2:1-11), personal na naranasan ng mga apostol ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng anyo ng wari’y dilang apoy na bumaba sa kanila, hindi lamang sila nagkaroon ng kakayahang makapagsalita sa iba’t-ibang wikang banyaga sa kanila, nagkaroon din sila ng lakas ng loob na maipahayag ang kamangha-manghang gawa ng Diyos sa kabila ng pangambang maaari nilang sapitin ang dinanas ng Panginoong Hesu-Kristo.

Ang pangyayaring ito ay hindi lamang bumago sa kanilang buong pagkatao—ngunit ang kanilang buhay din—at maging ang mga buhay ng mga taong nakasalamuha nila.

Sa ating ikalawang pagbasa (1 Corinto 12:3-7.12-13), binigyang diin din sa pasimula ng liham ni San Pablo para sa mga taga-Corinto ang mahalagang papel ng Espiritu Santo sa ating buhay. Dahil sa pamamatnubay ng Espiritu Santo, naipahahayag nating Panginoon natin si Hesus. At sa pamamagitan din ng Espiritu, nakatanggap tayo ng mga kaloob na hindi lang para sa atin, ngunit,  ginagamit natin sa paglilingkod. At sa pamamagitan ng ginagawa nating paglilingkod na ito, nakakabuo tayo ng isang simbahan, ng isang komunidad.

Ayon kay San Juan sa ating mabuting balita (Jn 20:19-23), ang Espiritu Santo ang siyang unang handog ng ating Panginoong Hesu-Kristo sa kanyang mga disipulo nang siya’y muling nabuhay. At dahil taglay na nila ang Espiritu Santo sa kanilang puso, mayroong kapayapaan sa kanilang buhay.

Ang ibig sabihin ng kapayapaan ay hindi lamang simpleng katahimikan, o ‘di kaya naman ay kawalan ng digmaan. Ngunit lahat ng kabutihang maaaring makamit ng isang tao mula sa Diyos. Kung tutuusin, hindi naman karapat-dapat ang mga apostol na tanggapin ang kaloob na ito, marami sa kanila ang nawala nang kinailangan ni Hesus ang kanilang tulong at suporta.

Ngunit sa tagpong ito, ipinakita ng Panginoon na hindi lamang Siya handang magpatawad, laging bukas ang Kanyang puso upang akuin sila bilang Kanya. At bilang patunay, isinusugo Niya sila upang ipagpatuloy ang misyong sinimulan Niya.

Ang misyong ito’y hindi lamang ikalat ang Mabuting Balita, ngunit maging tagapaghatid din ng pagpapatawad ng Diyos.

Maraming naiwang sugat ang nakaraang halalan. Sugat na maaari nating palalimin o hilumin. At ang sugat na ito’y hindi lamang sa pagitan ng mga nasa magkabilang politikal na partido, ngunit nararanasan natin sa ating opisina, mga kaibigan, o ‘di kaya naman ay sa mismo nating pamilya.

Nawa, sa ating pagdiriwang ng Pagbaba ng Espiritu Santo, maging isang buong muli ang ating bansa, maranasan nito ang kapayapaang hatid ng Espiritu Santo.

Ngunit magkakaroon lamang ito ng kaganapan kung makikinig tayo sa mismong Espiritung ito na magpatawad at patuloy na buksan ang puso sa bawat isa.

Ang Halimbawa ng Anak

Linggo ng Palaspas—Taon K
20 Marso 2016

wp-1457156033675.jpeg

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary Canlubang.

Kakaiba ang pagdiriwang ng ating liturhiya ngayong Linggo. Hindi lang ito dahil sa dala-dala nating mga palaspas, o kaya naman ay ang matingkad na pulang kasulyang suot ng pari at maging ng mga mantel sa simbahan. Kakaiba ang pagdiriwang natin sapagkat inumpisahan natin ito sa pag-gunita ng maringal na pagpasok ng ating Panginoon sa lungsod ng Jerusalem. Sumigaw tayo at umawit ng hosanna. Masaya nating sinalubong ang paring kumakatawan sa ating Panginoon. Ngunit sa pagtatapos ng pagpapahayag ng ating Mabuting Balita, ang tagumpay na ito ay tila mauuwi sa kawalan, sa kabiguan, sa kamatayan.

Sa pagdiriwang din nating ito, binubuksan natin ang taunang pagsasabuhay ng mga Mahal na Araw, ang pinakamahahalagang mga araw sa kalendaryo ng Simbahan, sapagkat dito ginanap ng Ama ang Kanyang pangako na ililigtas tayo sa pamamagitan ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Kanya mismong Anak.

Sa mga araw na ito, maipaaala-ala sa atin kung gaano tayo ka-importante sa Diyos, kung paanong ginawa ng Diyos na banal ang mga araw na ito, kung paano Niyang ipinakitang tunay ngang mahal tayo ng Diyos. Walang sukat. Walang kondisyon. Sukdulan.

Sa Unang Pagbasa (Is 50: 4-7), inihayag sa atin ni Propeta Isaias na mula pa sa Matandang Tipan ang isang pangitaing ang ating Panginoon ay daranas ng matinding sakit at paghihirap. Sasapakin siya. Sasampalin. Duduraan. Pero buong kababaang loob niyang ipauubaya ang sarili.  Sapagkat alam niyang ang Diyos mismo ang tutulong sa kanya.

Ito rin ang binibigyang diin ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa (Fil 2:6-11) na humahamon sa ating tularan ang Panginoon sa Kanyang pagpapakumbaba, at pagiging masunuruin hanggang kamatayan. Sapagkat sa pamamagitan nito mabubunyag ang kaluwalhatian ng Ama.

Sa paglalahad ni San Lucas ng pasyon ng ating Panginoon (23:1-49), sinariwa natin ang pagbibigay ng sarili ni Hesus para sa sangkatauhan. Sa kabila ng maraming pasakit na Kanyang tinamo, nanatili Siyang matapat sa Ama. Hindi na Siya kailangan pang pilitin, ipinagkaloob Niya ang Kanyang sarili nang buong buo.

Sa ating pagpasok sa mga Mahal na Araw, matutunan nawa nating pumasok sa diwang ito ng pagsunod sa kalooban ng Ama. Na kahit na wala tayong gantimpalang makukuha, o sarap at ginhawang madarama, ngunit alam nating ito ang tama, ito ang nararapat, ito ang kagustuhan Niya, buong puso natin itong gagawin.

 

Ang Pagtahak sa Disyerto

Unang Linggo ng Kwaresma—Taon K
14 Pebrero 2016

Feb 14

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary Canlubang.

Ngayon ay unang Linggo ng Panahon ng Kwaresma.
Ngayon din, ipinagdiriwang natin ang Linggo ng mga Mandarayuhan.
Sige na nga … Ngayon din ay Araw ng mga Puso.

Alam ba ninyo kung bakit February ang month of love? Kasi daw pag ni-rumble mo yung February, nagiging ‘forever.’ Try nyo nga … 

‘Di ba walang lumabas? Wala kasing ganun.

Galing po iyon sa isa kong kaibigan sa Facebook. Pero naniniwala akong marami pa rin dito ang nagmamahal kahit na paulit-ulit na nasasaktan. Marami pa rin sa ating handang ipaglaban ang #forever.

Kapag umiibig po tayo, hindi maiiwasang hindi balikan ang nakaraan. Namnamin ‘yung unang pagtatagpo, balik-balikan ang matatamis na ngiti, lingunin ang masasayang ala-ala.

Sa unang pagbasa, kasabay ng pag-aalay ng mga Israelita ng kanilang mga unang ani, ay ang kanilang pagbabalik-tanaw sa kung sino sila … Nagsimula sila bilang isang maliit na bayang pakalat-kalat lang. Pinahirapan sila ng mga Egipcio. Inalipin. Ngunit sa kanilang pagdulog sa Diyos, natikman nila ang kabutihang loob Nito.

At sa kabila ng tuyong lupain ng disyerto, nanalig sila sa Panginoon. At ang pananalig na ito ay ginatimpalaan ng Diyos. Dinala Niya sila sa isang lupaing sagana.

Ganito rin ang patunay sa atin ni San Pablo sa ikalawang pagbasa–“Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa Kanya.” At talaga naman pong ang patotoo ng mga taong tunay na sumasampalataya sa Diyos ay talaga namang nagbibigay ng lakas ng loob. Estudyante po ako ng theology. Pinag-aaralan po namin ang Diyos sa classroom. Pero madalas po, doon lang po namin Siya nasisilayan. Pero ‘yung mga taong nakilala kong hindi nga man lang kumuha ng Fundamental Theology, ipinapakita nila sa aking buhay ang Diyos sa buhay nila at araw-araw nila Itong kasama.

Noong nakaraang Linggo, kung naaalala pa ninyo sa Mabuting Balita, pinababa ni Hesus kay Pedro ang lambat upang makahuli siya ng isda. Nang ginawa ito ni Pedro, hindi lamang siya nakahuli ng napakaraming isda, doon niya lang din napagtanto kung sino ang nasa harap niya. At batid niyang wala siyang karapatang tumayo malapit sa kanya.  Naibulalas niya, “Lumayo ka sa akin Panginoon, ako’y isang makasalanan.”

Ang disyerto ay isang lugar kung saan mapag-iisa tayo. Maitutuon nito ang atensyon natin sa mga mas mahahalagang bagay. Ganito ang nangyari kay Moises, sa mga propeta, kay Juan Bautista, maging kay San Francisco ng Assisi, at sa marami pang ibang naghanap ng kahulugan sa buhay ay piniling lumagi dito. Sa pamamagitan ng disyerto, hindi lamang mas nakikilatis natin ang sarili natin, sa pamamagitan din nito mas nakikilala natin ng higit ang Diyos.

Ngayong Linggo, sa isang disyerto ang pinangyarihan kung saan sinubok ang ating Panginoon. Narinig natin sa Mabuting Balitang na ang Espiritu Santo mismo ang nagdala dito kay Hesus. Alam ng Panginoon ang biyayang dala ng disyerto. Ngunit maging sa sagradong lugar na ito ay naroroon din ang demonyo. Tatlong tukso ang inihanda nito para sa Panginoon. Ngunit pinatunayan ni Hesus na buhay ang Diyos sa buhay Niya. At gaano man kaakit-akit ang panunukso sa Kanya ng demonyo, hindi Siya bumigay. Ito rin ang paanyaya sa atin. Ito rin ang hamon para sa bawat isa sa atin.

Sa pagsisimula natin sa Panahon ng Kwaresma, maituturing din natin ito bilang isang paglalakbay sa disyerto—isang panahon ng pag-lalim. Nawa po, ang susunod na mga araw ng Panahong ito ay pagkakataon upang mapagtuunan natin ng pansin ang ating kaluluwa.

Ngayong panahon po, sa seminaryo namin may mga kaibigan akong magpapatuloy. Pero mayroon din namang lalabas muna. Naalala ko po ang sabi sa akin ng isang pari noong papasok pa lang ako. Kapag iniisip ko na daw pong lumabas, alalahanin ko daw ang dahilan kung bakit ako pumasok sa loob. Alam po ninyo, isa po iyon sa mga bagay na inaalala ko kapag dumaraan ako sa pagsubok.

Sa mga sandaling gusto na ninyong sumuko, sa pagkakataong pagod na kayo, ano nga ho ba ang dahilan kung bakit ninyo pinili ang buhay na ito? Ang sagot po ay nasa unang pagbasa—ala-ala—balikan natin ang kagandahang loob ng Diyos at patuloy tayong manalig sa Kanyang katapatan.

Ang ating pagdiriwang ng Banal na Misa ay isang konkretong patunay na patuloy Niya tayong iniibig. Nananatili Siyang tapat sa atin.

At katulad po ng karanasan ni Hesus sa ating Mabuting Balita, nawa’y pagkatapos ng 40 araw ng ating paghahanda, mas maging makahulugan sa atin ang isang bagong buhay sa piling ng Diyos.