Ika-2 Linggo ng Muling Pagkabuhay–K

Paano nga ba dapat ispelingin ang Pag-ibig ng Diyos?

Ika-2 Linggo ng Muling Pagkabuhay–Taon K
3 Abril 2016

image

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary

Ang isang posibleng paraan daw ng pagbaybay ng salitang LOVE ay sa pamamagitan ng T-I-M-E.

Tama naman ‘di ba? Nag-uukol lang tayo ng panahon natin sa mga taong mahal sa atin.  Gusto nating nandoon sa mga ispesyal na okasyon ng mga taong mahal natin para maipadama sa kanilang ispesyal sila sa atin.

Sa mga pagbasa natin ngayong Linggo, mapapansin natin ang pagnanais ng Panginoon na maging ‘present,’ na mag-ukol ng panahon upang makasama ang mga taong ispesyal sa Kanya.

Sa unang pagbasa (Gawa 5:12-16) , patuloy na naranasan ng mga sinaunang komunidad ng mga Kristiyano ang presensiya ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang mga tagasunod.
Nakagawa sila ng mga kababalaghang katulad ng nasaksihan nilang ginawa ng Panginoon. Sa pamamagitan nila, dumami ang mga taong nanalig sa Panginoon.    

Sa ikalawang pagbasa (Pahayag 1:9-11a.12-13.17-19), maririnig natin ang pananangis ni Juan. Ipinatapon siya sa isang isla dahil sa ipinangaral niya ang Salita ng Diyos.

Kaya naman nang maaninanagan niya ang isang anino, at napansin niyang ang Panginoon ito, nabuhayan siya ng loob. Nagsalita ang Panginoon, at muli pa, pinatunayan Niyang Siya’y muling nabuhay, at hindi na muling mamamatay. Muli pa, naniniguro ang Panginoon na dahil kasama natin Siya, wala tayong dapat na ipangamba.

Sa Mabuting Balita (Juan 20:19-31), sa kauna-unahang pagkakataon, nagpakita ang muling nabuhay na Panginoon sa Kanyang mga tagasunod. Takot ang mga itong nagkulong sa isang bahay sapagkat alam nilang maaari sa kanilang mangyari ang sinapit ng Panginoon. Sa pamamagitan ng pagpapamalas sa kanila ng Kanyang sugat sa Kanyang kamay at tagiliran, natanto nilang si Hesus nga ang taong iyon. Sa isang iglap, ang kanilang takot ay napalitan ng tuwa.

Wala si Tomas nang naganap ang tagpong iyon. Kaya naman nang dumating siya ay ibinalita sa kaniya ng kanyang mga kasama ang pagdalaw ng Panginoon. Ngunit hindi bilib si Tomas sa balitang ito. Sa halip, nagbitaw siya ng ganitong pananalita: “Hindi ako maniniwala hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangga’t hindi ko naipapasok ang aking kamay sa kanyang tagiliran.”

Hindi lamang masasalamin sa kanyang tinuran ang kawalan ng respeto sa katawan ng isang tinatawag niyang ‘Panginoon.’ Tahasang gumuguhit ito sa kabastusan. kaya nga hindi nakakapagtakang kahit sa huli’y naniwala naman siya, hindi pa rin maalis sa kanya ang bansag na “Doubting Thomas.”

Pero gayunpaman, hindi din natin maaalis sa isip natin kung gaano na lang kamahal ng Panginoon si Tomas kung kaya’t kinailangan pa Niyang bumalik pagkatapos ng isang Linggo upang magpakita sa kanya at makumbinsi itong muli nga Siyang nabuhay.

Muli pa, heto ang patunay na mahal ni Hesus ang Kanyang mga alagad. Nag-ukol Siya ng oras upang makasama ang mga ito.
Ngayong ika-2 Linggo ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon, ayon na rin sa iniakda ni San Juan Pablo II noong siya’y santo papa, ipinagdiriwang natin ang “Divine Mercy Sunday.” At marahil, tama lan na sabihing ang love ay hindi lamang naipaparamdam sa pamamagitan ng T-I-M-E, ngunit ng A-W-A din.

Nakagawian na nating tingnan ang awa sa pamamagitan ng pagpapatawad natin sa mga taong nakagawa sa atin ng hindi mabuti. O ‘di kaya naman ay sa pamamagitan ng pagtulong natin sa ating mga kapatid nating kapus-palad.

Ngunit ang awa ay hindi lamang maipapahayag sa ganitong paraan. Ang awa rin  naman ay maipapamalas natin sa pamamagitan ng pagdidisiplina. Tough love ata ang tawag dito.

Dahil naaawa ako sa aking anak na baka hindi magkaroon ng magandang hinaharap, hindi ko ibibigay ang lahat ng gusto niyang maaaring ikasira naman ng buhay niya. Ididisiplina ko siya. Dahil sa pamamagitan nito ko lang mapapatibay ang pundasyong kinakailangan niya upang magkaroon ng magandang buhay.

Madalas, ang tingin natin sa awa ng Diyos ay madaling sumuko sa bawat daing natin,  o di kaya naman ay  pwede nating mapasunod sa kung anuman ang nais natin. Ngunit ang awa ng Diyos ay hindi tamang lambutin. Hindi ito nagbabait-baitan lang. Sapagkat ang awa ng Diyos ay nakaangkla sa pag-ibig  na humahamon sa ating maging mabubuting anak Niya dahil palagian Siyang isang mabuting Magulang sa atin.