Tagalog homily

Isa Pang Pagkakataon!

Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon K
28 Pebrero 2016

Feb 28

Graphics by Asp. Paul Lopez, Don Bosco Seminary Canlubang.

Ang buong buhay natin ay isang paanyaya upang manumbalik sa Ama. At ngayong panahon ng kwaresma, mas ipinag-iigting ang panawagang ito para sa ating lahat.

Sa ating liturhiya ngayong Ika-3 Linggo ng Kwaresma, ipinapaalala sa ating ang Diyos ang Siyang palagiang gumagawa ng unang hakbang upang makasama tayo.

Sa Unang Pagbasa (Exo 3:1-8a. 13-15), nagpakilala ang Diyos kay Moises. Ngunit hindi lang sa simpleng paraan ng pagbibigay ng Kanyang pangalan, kung hindi sa pamamagitan ng konteksto ng Kanyang relasyon sa kanya: Siya ang Diyos ng kanyang mga ninuno.

Namalas ng Diyos na labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang Kanyang bayan. Hindi lingid sa Kanya ang hirap na kanilang tinitiis. Narinig Niya ang kanilang daing. Kaya naman bumaba Siya upang sila’y iligtas.

Narito ang imahe ng isang Diyos na hindi lamang bahagi ng ating imahinasyon dahil totoo Siya. Dahil ipinaranas Niya sa Kanyang bayan ang Kanyang pagmamahal.

Ang kuwentong ito ni Moises at ng kanyang bayan na naganap noon ay nagpapatuloy hanggang sa ngayon. Bumaba siya noon upang makasama nila at hanggang ngayo’y patuloy pa rin Siyang nakikipaglakbay kasama natin.

Nitong nagdaang Huwebes lang, sinariwa natin kung paanong ang mapayapang rebolusyong naganap sa kalye ng EDSA 30 taon na ang nakararaan, ay maituturing na isang himala. Walang baril ang pinaputok. Walang kanyon ang pinasabog. Wala ni isa mang patak ng dugo ang dumaloy. Hinangaan tayo ng lahat, sapagkat, ayon sa awit na madalas na pinatutugtog noon, “Kapayapaan ang handog ng Pilipino sa mundo.”

Isang batang hampas lupa pa lang ako noong taong iyon, pero sa unang pagkakataon, dahil sa mapayapang rebolusyong ito, naintindihan ko ang kakaibang sarap na tawaging isang Pilipino!

Sa karanasan nating ito bilang mga Pilipino, tunay nga na ang Diyos ay kumikilos kasama ng Kanyang bayan. Hindi Siya nagpapabaya sa atin. Patuloy pa rin Niya tayong iniingatan.

Ngunit imbes na pahalagahan ang kaugnayang itong meron tayo sa Diyos, marami sa atin ang nagpapatuloy sa pag-gawa ng masama. Maganda nga sana kung nakalimot lang tayo o kaya ay sadyang mahina. Pero iba po ano kapag alam nating masama na, tapos patuloy pa rin natin itong ginagawa.

Naiintindihan natin ang kasalanan bilang paglabag sa batas. Nagmura tayo, nagsinungaling, nag-isip ng hindi maganda laban sa kapwa. Naiintindihan nating masama ito ngunit sadya pa rin natin itong ginagawa. Ngunit dapat nating maintindihan na hindi lang tayo lumalabag sa batas kapag gumagawa ng mali, masahol pa dito, pinupunit natin ang puso ng Ama nating patuloy na nag-aanyaya sa ating gawin ang tama, ang nararapat, ang mabuti.

Ito ang konsteksto ng ikalawang pagbasa (1 Cor 10:1-6.10-12). Marami sa mga taga-Corinto ang nakalimot, ang mahina o ‘di kaya’y sadyang walang pakialam sa damdamin ng Ama. Sinulatan sila ni San Pablo upang himuking alalahananin ang nangyari sa kanilang mga ninunong nagpatuloy sa kanilang maling gawi habang naglalakbay sa disyerto.

Ang mensahe niyang ito na para sa kanila noon ay makabuluhan pa rin naman sa atin hanggang ngayon. Ang iba sa ati’y kampante nang makatanggap ng binyag o kuntento na sa pagsisimba lang o kaya nama’y masaya na dahil hindi naman sila gumagawa ng masasama. Para sa kanila, ‘yun lang ang kahulugan ng buhay Kristiyano. Ngunit kung ito ang iniisip natin, nagkakamali tayo.

Sa Mabuting Balita, ito ang nais na ipaunawa ng Panginoon: na hindi lamang tayo dapat na umiwas sa masasama, ngunit inaasahang mamunga rin tayo dapat! Gamit ang puno ng igos bilang halimbawa sa Kanyang kuwento, nais na daw itong ipaputol ng may-ari sa nangangalaga dito.  Kung sabagay, tatlong taon na nga naman niya itong dinadalaw ngunit wala pa rin itong ibinibigay na bunga. Ngunit sa halip na putulin na nang tuluyan, binigyan pa nila ito ng palugit—isa pang taon!

Ganito rin marahil ang binibigay sa atin ng Diyos: isa pang pagkakataon!

Marami Siyang mga ipinagkaloob sa atin—ang buhay natin halimbawa, mga taong nagmamahal sa atin, ang ating talino at kakayahan. Ang mga ito’y paraan Niya upang ipahatid Niya sa ating hindi Siya nagkulang ng pangangalaga sa atin. Pero inaasahan Niya ring sa pamamagitan nito ay makapamunga tayo. Sa pamamagitan nito’y matatagpuan natin ang landas pabalik sa Kanya.

Isang mensaheng pwede nating mapulot dito ang katotohanang hindi natin hawak ang panahon. Hindi habang buhay ay naririto tayo. At sa dami ng mga biyayang natanggap natin sa Panginoon, huwag po sanang masayang ang lahat ng ito.  Huwag nating sayangin ang awa at pag-ibig ng Diyos.

Ang panahon ng Kwaresma ay panahon ng paghihintay. Makatugon tayo sa panawagan ng Diyos na magbago, na magbalik-loob sa Kanya. Upang sa ating pagsalubong sa muling pagkabuhay ng ating Panginoon, maging tunay at lubos ang ating kagalakan.

Advertisements

Mag-intay, Magmatyag Maghanda

Unang Linggo ng Adbyento
29 November 2015

wpid-wp-1446847534495.png

Kapag may yumao tayong kapatid, masarap marinig ang komento mula sa maraming patungkol sa yumaong “Handa siya nang kunin siya ni Lord!” Graphics by Prenovice Jonas Lacson.

Mga kapatid, sa tulong ng byiaya ng Eukaristiya, makintal nawa sa ating ang panahon ng Adbiyento ay isang panghabang-buhay na disposisyong ipinapakita natin sa ating araw-araw na pamumuhay. Kapag may yumao tayong kapatid, masarap marinig ang komento mula sa maraming patungkol sa yumaong “Handa siya nang kunin siya ni Lord.”

Kung ang panahon ng adbiyento ay panahon ng paghihintay. Hindi ba’t parang out of place ang panahong ito sa buhay natin?

Aminin natin, marami sa atin ang hindi komportable sa paghihintay. Ilan nga ba sa atin ang magpapa-huli sa appointment, dahil sa isip natin, “Baka mahuhuli din naman ang katagpo ko–mabuti nang siya ang maghintay kaysa ako.”

Isang konkretong karanasan ng paghihintay ay masasalamin natin sa kasaysayan ng mga Israelita sa Unang Pagbasa ngayong Linggo. Sa loob kasi ng napakaraming taon, naghihintay ang mga taong ito sa sugong darating na manggagaling sa lipi ni Haring David.

Si David ay namumukod tangi sa lahat ng mga naging hari ng Israel dahil sa kanya mismong buhay masasalamin ang pag-ibig ng Diyos sa Kanyang bayan. Kung kaya naman nang ihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias na dumating na ang araw kung saan ang kanilang inaasam-asam ay mapapasakamay na nila, marahil, hindi masukat ang kaligayahan nila.

Sa ganito ring pagkakataon inihahambing ang ating sarili. Mayroong inaasam-asam ang ating mga puso. Mayroong hinihintay na dumating. At mayroon ding hinihintay, ngunit ipinapanalangin nating hindi na sana dumating. Ngunit ang paghihintay, ang pag-aasam-asam ng mga Israelita ay ginanimpalataan ng isang katiyakang hindi man kailanman lumimot ang Panginoon sa Kanyang pangako.

At hinahamon tayo ni Propeta Jeremias na magtiwala sa Salita ng Diyos, inaanyayahan niya tayong tumaya sa katapatan ng Panginoon.

Sa simula ng pagpapahayag ng Mabuting Balita ngayong Linggo, mapapatanong tayo, mabuting balita nga bang talaga ito? E bakit parang nananakot? Magkakaroon daw ng tang sa araw, ng ugong sa lupa, at daluyong naman sa dagat. Ngunit ang intensyon ni San Lukas sa pagpapakita ng kagimbal-gimbal na sitwasyong itong mangyayari sa hinaharap ay upang sa pamamagitan nito, ma-ihayag sa atin ang kagalakan ng mabuting balitang darating na ang ating hinihintay, ngunit kalakip nito ang isang babalang kailangan nating maging palagiang handa.

Hindi natin alam kung kailan ang eksaktong oras ng pagdating. Nagbigay lamang siya ng mga tanda. Kaya kinakailangang maging mapagmatyag, maging mapagmasid, maging laging handa.

Huwag daw tayong masyadong malibang sa aliw na handog sa atin ng mundo, sa panganib na huwag nang intindihin ang pagdating ng Panginoon.

Sa ikalawang pagbasa, binigyan ng konkretong mukha ni San Pablo kung paano nga ba dapat tayong maghanda ng ating mga sarili–magsimula tayo sa isang disposisyong nanggagaling sa ating puso.

Sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga bagay na natutuhan natin sa kanyang aral, binubuksan natin ang ating sariling tanggapin ang Panginoon sa ating buhay. Hindi lamang sa darating na kapaskuhan, ngunit, sa Kanyang muling pagbabalik sa sanlibutan.

Ang panahon ng Adbiyento ay panahon ng pagmamatyag, ng paghihintay, ng paghahanda. Ngunit nagkakamali po tayo kung iisipin nating apat na linggo lang ito sa ating kalendaryo. Na kapag nasindihan na ang lahat ng kandila sa ating korona ng adbiyento, hihintayin ulit natin ang susunod na korona sa susunod na taon.

Mga kapatid, sa tulong ng biyaya ng Eukaristiya, makintal nawa sa ating ang panahon ng Adbiyento ay isang panghabang-buhay na disposisyong ipinapakita natin sa ating araw-araw na pamumuhay. Kapag may yumao tayong kapatid, masarap marinig ang komento mula sa maraming patungkol sa yumaong “Handa siya nang kunin siya ni Lord.”

Sana, sa pagdating ng Panginoon, ganito rin ang masabi natin sa ating sarili, “Lord, handang handa na po akong harapin Kayo.”

Wala nang mas titimbang pa sa Panginoon!

Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon—B
11 October 2015

28 sun

Ang pangungusap na ito ay punong puno ng kahulugan. Sa wikang Inglis, ang pagkakasalin nito’y Jesus, looking at him, loved him … Tiningnan siya ng Panginoon, at minahal Siya nito. Naramdaman marahil ng Panginoon ang kanyang pagnanais na makamit ang buhay na walang hanggan. Graphics by Br Paul Dungca, SDB.

“Magiliw siyang tiningnan ni Hesus.”

Ito ang klase ng tinging iniukol ng Panginoon sa mayamang lalake matapos nitong sabihin sa Kanyang tinutupad naman niya ang mga kautusan mula pa noong bata siya. Gusto niya kasing marinig mula sa Panginoon kung paano makamtan ang buhay na walang hanggan.

At ito ang itinugon sa kanya ng Panginoon magiliw siya nitong tiningnan.

Ang pangungusap na ito ay punong puno ng kahulugan. Sa wikang Inglis, ang pagkakasalin nito’y Jesus, looking at him, loved him … Tiningnan siya ng Panginoon, at minahal Siya nito. Naramdaman marahil ng Panginoon ang kanyang pagnanais na makamit ang buhay na walang hanggan. Ngunit batid ng Panginoong hindi ito mangyayari—at hindi na kailangan pang magsalita ng lalaki.

Nais nga ng lalake na makamit ang buhay na walang hanggan. Ngunit mayroong mas mahalaga pa dito. Isang bagay na hindi niya kayang talikuran: ang kanyang kayamanan.

Tayo rin naman ay katulad din ng binatang mayamang lumapit sa Panginoon. Marami sa atin ang nagnanais na makamtan ang buhay na walang hanggan. Kaya nga kahit papaano, sinisikap nating mag-simba at magpakabuti. Gusto rin nating maniwala sa sinasaad ng ikalawang pagbasang kung paanong ang Salita ng Panginoon ay ultimong isang espadang may kakayahang manakit, humihiwa at sumusugat. Hindi tayo puwedeng kumportableng makinig lang sa isang tabi. Dapat itong sumugat sa atin upang magising tayo sa katotohahanang hindi lang isang biro ang maging isang binyagang Kristiyano.

Sa susunod na taon, idadaos ang concert ng isang sikat na singer sa bansa. Dahil nga sikat siya, marami sigurong  bibili ng tickets: P 3,000 ang pinakamura, at  ang pinakamahal nama’y mahigit na P 50,000 ang halaga. Ang mahal ‘di ba? Pero sigurado akong mapupuno ang venue ng concert, kahit na halos langit ang presyo ng tickets. ‘Ika nga, kung ayaw may dahilan; kung ayaw may paraan!

May bayad din po ang pagpasok ng langit, may kapalit ang buhay na walang hanggan. At maling sabihing “parang sisiw” lang ang pagiging isang Kristyano! May hinihingi ang Diyos na kailangan nating isuko, sagabal kasi ito upang maunton natin ang daan patungo sa Kanya.

Mayroon sa’ting pusong hindi natin mapakawalan dahil mas matimbang pa ito sa pagmamahal natin sa Panginoon. Hindi lang siguro ito yaman. Puwedeng isang bagay na nakagawian na nating nagdudulot ng paglawak ng distansya natin sa Diyos; isang taong hindi natin maiwaksi sa ating buhay na namamagitan sa atin at sa Panginoon; o di kaya nama’y pangarap na maglalagay sa atin sa panganib na mawala sa landas patungo sa Diyos.

Hilingin natin sa Panginoon na katulad ni Haring Solomon sa unang pagbasa, pagkalooban din tayo ng karunungang makita ang katotohanan, upang sa pamamagitan nito, mapalaya natin ang ating puso sa pagkakabihag ng ibat-ibang uri ng  yamang nagpapalayo naman sa atin sa piling ng Panginoon.

“Ilan nga ba ang langit?”

Ika-26 Linggo sa Karaniwang Panahon–Taon B
27 September 2015

27 Sept DB

…Hindi kasi kaibigan o kapit-bahay ang turing natin sa ibang dapat nating handugan ng pagmamahal—ngunit ka-kumpitensiyang kailangan nating daigin, kaaway na kailangan nating patumbahin. Graphics by Mark Anthony Ramos

Ito ang tanong ng isang bata sa nanay niya dahil sa iskwelahan daw nila, may mga kaklase siyang ka-anib sa iba’t-ibang relihiyon. Dahil nga daw ang bawat isa’y may pinaniniwaalaang kanya-kanyang “Diyos,” at “magkaka-iba” ang mga ito, dapat lang na may kanya-kanyang “langit” din ang bawat isa.

Hindi ako sigurado kung napagtuunan na ninyo ng pansin ang bagay na itong tumawag sa atensyon ng bata. Pero ang mga tauhan sa ating mga pagbasa ngayon ay nalagay sa ganitong kaisipan: Iba kami sa kanila.

Sa unang pagbasa, iniutos ng Panginoon kay Moises na pumili ng pitumpo mula sa kanyang pangkat. Babahaginan ng Panginoon ang mga ito ng Kanyang espiritu upang matulungan nila si Moises sa gawaing pamamahayag.

Ngunit may dalawang pinuno ang hindi sumama sa grupo. At may isang binatang nakakita sa dalawang ito na nagpapahayag na parang nga propeta din. Tinanong ni Hosue kay Moses kung  sasawayin niya ang dalawa. Ang tanong naman ni Moses sa kanya “Bakit? Nangangamba ka bang ako’y mabawasan ng karangalan?”

Dagdag pa ni Moses, “Gusto ko ngang maging mga propeta at mapuspos ng Espiritu ng Diyos ang lahat ng mga Israelita.”

Sa tanong ni Hosue, masasalamin ang kakaibang pag-uugaling mayroon ang marami sa atin patungkol sa mga taong hindi natin katulad: mayroong panglalait, may pang-aakusa, mayroong pang-mamaliit.

At sa pamamagitan ng tugon ni Moises sa kanya, mahimasmasan sana tayo sa katotohanang hindi ito ang kalooban ng Diyos para sa atin.

Sa Mabuting Balita, halos ganito rin ang eksena.

May nakita ang mga alagad ng Panginoon na nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoong Hesus. At dahil hindi naman sila kabilang sa grupo, pinagsabihan nila ito. Ngunit nagulat sila nang ipag-utos ni Hesus sa kanilang hindi nila ito dapat na ginawa, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ng Panginoon ang agad magsasalita ng masama laban sa Kanya.

Magandang pagnilayan ang sinabing ito ng Panginoon. Para sa Kanya, hindi dapat na ituring na kalaban ang ibang taong hindi natin katulad. Hindi man tayo pareho, pero hindi ibig sabihin nito ay may dahilan na tayo para ituring na kalaban ang iba.

Sa pag-uugaling iyon ng mga alagad, pinamukha sa kanila ng Panginoon, at marahil, maging sa atin din, na buksan dapat natin ang ating isip at puso para sa iba.

Sa sulat ni Santiago sa ating ikalawang pagbasa, mayroon siyang binigay na konkretong halimbawa ng pagkakanya-kanya.  Binigyan niya ng babala ang mga mayayamang hindi pansin ang paghihirap ng kapwa. Dahil bingi sila sa pananangis at pighati ng maralita, mauuwi lamang daw sa kinalawang na ginto at bulok na kayamanan ang inimpok nila pagdating ng huling araw.

Pero hindi lang naman iyong mga may kaya ang dapat na mangamba. Tayo man din na mayroong kakayahang tulungan ang iba, ngunit hindi naman kumikilos upang isagawa ito. Sa jeep halimbawa, isang pasaherong nakaupo sa dulo, nagsisisigaw na upang i-abot ang bayad, pero naging busy ang lahat para hindi siya mapansin. Mahirap bang mag-abot ng bayad ng iba?

Nang dumalaw ang Santo Papa sa bansang Cuba nitong nagdaang linggo lang, naibahagi niya sa mga kabataan doon na dahil sarado tayo sa iba, minsan, mayroon na tayong sariling mundo, at dito na lang naka-sentro ang ating pag-iral.

Ang marami sa atin ay ikinagagalak at ipinagkakapuring sabihin na “katoliko sarado” daw sila. Pero ano nga bang ibig sabihin ng katagang ito? Na tayo lang ang maliligtas? Na ipipikit natin ang ating mga mata at tenga sa paghihirap ng mga taong hindi naman kaanib sa relihiyon natin? Na dahil tayo lang ang may “tamang gawi,” ayon sa sinasaad ng ating Simbahan, tama lang na tingnan natin ng may pang-huhusga ang iba?

May sinabi rin ang Santo Papa na may kaugnayan dito. Kapag ang isang relihiyon daw ay sinarado ang kaisipan sa kanyang mismong sarili lang, nagiging napakaliit lamang nitong kumbento, at nawawala ang kahusayan nitong ituro ang daang patungo sa Panginoon. At ang Ebanghelyo ay nagiging isang ideolohiya na lamang. Ngunit dapat nating matanto na ang Ebanghelyo ay hindi isang ideolohiya, hindi lamang itong prinsipyo, ito’y Mabuting Balita na inihahayag hindi lamang para sa iilan.

Nagbabala si Professor Michael Tan, isang anthropologist, na hindi lang daw tayo nawiwili na hindi kausapin o bigyang pansin ang kabilang kampong tinagurian na nating kalaban, dumarating din sa panahong nagkakaroon na rin ng karahasan. Kaya nga hindi nakakapagtakang hitik ng karahasan ang kasaysayan ng tao. Hindi kasi kaibigan o kapit-bahay ang turing natin sa ibang dapat nating handugan ng pagmamahal—ngunit ka-kumpitensiyang kailangan nating daigin, kaaway na kailangan nating patumbahin.

Nagsimula ako sa tanong, “Ilan nga ba ang langit?”

Ang dalangin ko, sana, tayong nagsimba ngayon at nakapakinig ng Salita ng Diyos, alam ang sagot sa tanong na ito.

Pero ang mas mahalaga, ang ating sagot nawa ay makita sa araw-araw nating pamumuhay.

Ang Sukatan ng Kadakilaan

Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon—B
20 September 2015

20 Sept FB

Sinasalamin ng mga munting batang ang marami pang mga “maliliit na taong” hindi pansin ng lipunan—ang mga guwardiyang bumabati sa atin araw-araw, ang mga tellers sa express way, mga kasama natin sa bahay, at marami pang iba. Graphics by Mark Anthony Ramos

Hindi ko malimutan ang imahe ng batang si Alan ng nakita ko ang litrato niya sa isang dalampasigan. Maputi ang buhangin nito, kaya naman kitang kita ang kanyang pulang kamiseta. Pero sa posisyon ng kanyang pagkakasubsob sa buhangin, napansin kong hindi siya pumunta doon para maglaro. Tinangay siya ng alon sa puwesto ng kanyang pinag-kakadapaan. Hindi na siya gumagalaw. Wala na siyang buhay.

Indian artist Sudarsan Pattnaik created a sand sculpture of the image of Alan Kurdi's body. Photo courtesy of Getty Images

Indian artist Sudarsan Pattnaik created a sand sculpture of the image of Alan Kurdi’s body. Photo courtesy of Getty Images

Isa siya sa mga pasaherong lulan ng isang bangkang de-gomang lumubog. Walo lang daw dapat ang sakay nito, pero sa kagustuhang mas makapag-lulan pa ng mas marami para mas maraming kita, umabot sa 16 ang pasahero nito. Nakaligtas ang kanyang ama, pero hindi ko alam kung masaya siya. Kasamang nalunod ng bata ang kanyang ina at ang kanyang limang taong gulang na kapatid.

Kawawang mga bata. Tinatakasan nila ang kanilang bansa dahil sa kahirapan ngunit ito ang sinapit nila. Pero hindi na tayo kailangang lumayo. Dito na lang sa bansa natin ay marami ang katulad nila.

Sa ating Mabuting Balita ngayong LInggo (Mc 9:30-37), itinanghal ng Panginoon ang isang bata upang maipakita Niya sa Kanyang mga tagasunod ang landas patungo sa kadakilaan.

Sa konteksto ng mga Hudyo noong panahong iyon, ang mga bata ay pag-aari ng kanilang mga ama at maaari nilang gawin sa mga ito ang kahit na anong kanilang naisin. Masasabing wala silang karapatan.

Ang linaw ng pagkakalahad ni San Marcos kung paanong ang isang bata ay pinagtuunan ng pansin ng Panginoon: Tinawag niya ang isang munting bata, pinatayo sa harap ng matatanda, at kinalong. Dito nagwika ang Panginoon, “Ang sinumang tumanggap sa isang maliit na batang tulad nito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin.”

Sa pamamagitan ng litrato ng tatlong-taong gulang na si Alan sa dalampasigang iyon, napukaw ang atensyon ng nakararami. Ipinapagpalagay sa isang website na labing limang beses na lumaki ang abuloy para sa mga refugees na katulad nila nang ma-i-upload ang larawang iyon sa internet.

Ngunit kailangan pa bang may susunod na litrato na katulad ng sa kanya upang magising tayo sa katotohanang kailangang ng mga bata ang tulong natin?

Sa aking weekend ministry sa isang parokya, naka-kwentuhan ko ang walong taong gulang na si Boy (hindi niya ito tunay na pangalan). Nang tanungin ko siya tungkol sa kanyang mga magulang, mabilis niyang sagot na ang kanyang tatay ay isang OFW, samantalang ang kanyang ina naman ay nakakulong dahil sa pagtutulak ng ipinagbabawal na droga. Hindi niya na daw natatandaan ito dahil bata pa siya ay nakakulong na ito. Nang tanungin ko siya kung nami-miss niya ang kanyang nanay, ikinalungkot ko ang diretso niyang sagot: “Hindi po. Malaki na ako.”

Sinasalamin ng mga munting batang ang marami pang mga “maliliit na taong” hindi pansin ng lipunan—ang mga guwardiyang bumabati sa atin araw-araw, ang mga tellers sa express way, mga kasama natin sa bahay, at marami pang iba.

Kasama na rin sa kategoryang ito ang mga batang kinikitil ang buhay bago pa sila isilang—dahil sobrang liliit pa nila at hindi pa makakahingi ng tulong, walang halaga sa paningin ng marami, at magiging pasanin lang sa lipunan.

Ngunit malinaw ang mensahe sa atin ng Panginoon: “Ang sinumang tumanggap sa isang maliit na batang tulad nito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin.”

Para sa Panginoon, ito ang sukat ng kadakilaan. Ang dalangin ko, ito rin sana ang sa atin.

Unlimited ang Pag-ibig ng Diyos!

Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon—Taon B
July 26, 2015

11696489_10204485001427028_1491764656_n

Ngayong Linggo, inaanyayahan tayo ng ating liturhiyang ituon ang pansin sa Panginoong hindi mangingiming gumawa ng himala upang busugin tayo. Likhang sining ni Mark Anthony Ramos

Sakristan: Father, nakita ko yung pilay nagdasal sa altar tapos tinapon saklay niya at naglakad!
Pari: Diyos ko! Isa itong himala!!! Asan siya?
Sakristan: Andun po nakadapa, basag ang mukha..

***

Ano ang pagkakaiba ng magic sa miracle?

Sa magic, nasusubukan ang galing ng isang magician. Mabilis ang kanilang mga kamay, at alam nila kung paano tayo lalansihin. Ngunit alam nating pagkatapos ng performance, at ng palakpakan, doon na rin natatapos ang palabas.

Iba ang miracle. Oo naman, meron ding spectacle, pero hindi lang sa performer ng miracle ang atensyon; pati na rin sa kung sinong nabiyayaan nito. At higit sa lahat, hindi ito natatapos lang sa isang palabas. Nagpapatuloy ang epekto nito, hindi lang doon sa nakatanggap ng himala, ngunit maging sa mga nakamalas nito!

Ngayong Linggo, hitik ang ating mga pagbasa ng mga himala.

Sa unang pagbasa (2 Ha 4:42-44), hindi lang napagkasya ang 20 na tinapay sa 100 na katao—mayroon pang lumabis dito! Narinig nating tumutol ang katulong ni Eliseo nang sabihan niya itong ihain ang mga tinapay sa lahat ng mga tao. Pero nagiging praktikal lang naman ang katulong, tiyak kasing hindi sasapat ang mga ito. Ngunit iba ang pinanghahawakan ni Eliseo: Ang salita ng Panginoong “Mabubusog sila at may matitira pa!”

At iyon nga ang nangyari.

Kung hindi kapani-paniwala ito, mas lalo naman ang naganap sa mismong Ebanghelyo (Jn 6:1-15). Nang tanungin ng ating Panginoon si Felipe, isa sa mga alagad niya, kung paano mapapakain ang napakadaming taong sumusunod sa kanila, sumagot ito, “Kahit na po halagang dalawandaang denaryong tinapay ang bilhin ay di sasapat para makakain nang tigkakaunti ang mga tao.” Alam naman ni Hesus ang nararapat Niyang gawin, tinanong lang Niya si Felipe upang subukin ito. Mula sa kung saan, si Andres, isa pa sa kanyang mga alagad, ang bumida, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dala­wang isda.”

Pero bigla din siyang kumabig, “Ngunit gaano na ito sa ganyang karaming tao?”

Kapagdaka’y sinabihan ng Panginoon ang mga apostoles na paupuin ang mga tao. Sa orihinal na wikang Griyego, ginamit ang salitang “anapesein,” isang posisyong tumutukoy sa klase ng pagkakaupo ng mga taong naghahanda upang dumulog sa lamesa.

Kinuha ni Hesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi sa mga tao; gayon din ang ginawa niya sa isda. Binigyan ang lahat hangga’t gusto nila. Matatandaang hindi lamang daan-daan ang nagsalu-salo ng limang tinapay at dalawang isda, ang bilang ng mga lalaki’y umaabot ng limang libo, hindi pa kasama dito ang mga bata at mga babae!

At nang makakain na sila, sinabi niya sa mga alagad, “Tipunin ninyo ang lumabis para hindi masayang.” Gayon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang bakol.

Ang pag-aala-ala ni Andres na hindi kakasya ang limang tinapay at dalawang isda ay katulad ng pag-aalinlangan ng katulong ni Eliseo na magpakain ng 100 tao sa pamamagitan ng 20 na tinapay. Ngunit maihahambing ang resulta ng dalawa: Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, hindi lang lahat ng nakakain ay nabusog, mayroon pang lumabis mula sa Kanyang handog.

Sa mga kamay ng isang bata, ang limang tinapay at dalawang isda ay hindi sapat na magpakain ng isang laksa. Ngunit nang mapasakamay ng ating Panginoon, ang hamak na handog ay pumuno sa kalamnan ng mga nagugutom.

Ngayong linggo lang, naisipan kong mag-post sa Facebook ng isang tanong: “Ano ang gusto mong ipagdasal ko para sa iyo ngayong linggo?” Hindi ko inaasahan na madami ang tutugon dito. Marami sa atin ang naghahanap ng kasagutan. Hindi lang iilan ang nagugutom at nauuhaw. Mayroong nanghihingi ng kapatawaran, ng kapayapaan, ng pagmamahal.

Ngayong Linggo, inaanyayahan tayo ng ating liturhiyang ituon ang pansin sa Panginoong hindi mangingiming gumawa ng himala upang busugin tayo. Sa ating pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, nagpapatuloy ang mapaghimalang pag-ibig ng Panginoon. Hindi lamang tinapay ang Kanyang handog sa atin, ngunit ang Kanya mismong katawan!

Isa sa mga paborito kong manunulat—isa rin siyang piloto—ang nagbahagi ng kanyang karanasan nang ilipad niya sakay ng eroplano ang dalawang galing sa isang disyerto. Dinala niya sila sa isang talon ng tubig. Dahil nga galing sila sa isang disyerto, minsan lang sila makakita ng isang talon, napako ang dalawa sa pagkakatitig sa masaganang tubig na bumabagsak mula sa gilid ng bundok, at sa dagundong ng tubig na nilikha nito. Ngunit napansin niyang dumidilim na. Kailangan na silang lumipad pabalik sa disyerto. Kinailangan niyang ulitin ng makadalawang beses ang kanyang paalala sa kanila. Nasurpresa siya nang sagutin siya ng isang “Hindi pa tayo puwedeng umalis. Hindi pa nauubos ang tubig!”

Marahil sa isang talong hindi nauubusan ng tubig maikukumpara ang pag-ibig ng Diyos sa atin: Hindi ito nauubusan ng pagmamahal. At walang pagsidlan ang kanyang pagmamalasakit sa atin. Hindi natin dapat pagdudahan ang kabaitan at pagmamalasakit at awa ng Diyos.