Month: August 2017

San Lorenzo: Martir, Diyakono

lawrenceGinagawa natin ang lahat ng bagay para mabuhay tayo. Hindi para mamatay tayo.

Pero ang sinasabi ng Panginoon sa atin sa pamamagitan ng Ebanghelyo natin ngayon, kailangan nating mamatay para tayo’y mabuhay.

Ang trahedya para sa atin, sa mata ng Diyos ay isang tagumpay.

Ito ang piniling kapalaran ng santong ginugunita natin ngayon–si San Lorenzo, diyakono at martir.

Isa siyang diyakonong katulong ni Papa Sixto noong ika-3 siglo. Noong panahong iyon, kapag ikaw ay isang Kristiyano, mayroon ka nang death sentence.

‘Yun nga ang kinahinatnan ni Papa Sixto kasama ng iba pang mga diyakonong kasama ni San Lorenzo. Pero dahil siya ang tagapag-ingat yaman ng Simbahan, binigyan siya ng pagkakataong mabuhay kung ibibigay niya sa Imperyong Romano ang kayamanan ng simbahan.

Binigyan siya ng tatlong araw upang ipunin ang ari-arian ng Simbahan.

Nang dumating ang takdang araw, pumunta siya sa pinuno ng mga kawal. Kasama niya ang napakaraming mahihirap, gayundin yung mga maysakit.

Sabay sabi niya: “Narito na ang kayamanan ng Simbahan.”

Tila naisahan ang pinuno ng hukbo. Bad trip siya. Kaya naman binigyan niya ng ispesyal na parusa si Lorenzo–nilitson siya ng buhay!

Siguro, wala naman siyang kagat kagat na mansanan. Kaya naman nakapagsalita pa siya, “Luto na yung kanan ko. Yung kaliwa ko naman.”

Ang trahedya para sa atin, sa mata ng Diyos ay isang tagumpay.

Sa unang pagbasa, pina-alalahanan tayo ni Pablo na dakila sa mata ng Diyos ang mga mapagbigay. Pero ang bawat totoong pagbibigay ay may sakit na kaakibat. Doon mo lng masasabi na nagbigay ka talaga.

Ang pag-aalay ni Lorenzo ng buhay ay sinuklian ng buhay na hindi lamang pansamantala, pero isang buhay na walang hanggan kasama ng Ama.

Advertisements