Ika-2 Linggo ng Kwaresma—Taon B
01 Marso 2015
Sa Biblia, ang bundok ay lugar ng tipanan ng Diyos at tao. Matatandaang sa bundok ng Sinai binigay ng Diyos ang Kautusan kay Moses (Exodo 19:18). Sa isa sa mga bundok naman ng lupain ng Moriah inialay ni Abraham ang kanyang anak na si Isaac (Genesis 22:2). At sa bundok ng Carmel pinamalas ng Diyos ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ni Propeta Elias laban sa mga bulaang propeta (1 Hari 18:38).
Ngayong Linggo, masasaksihan natin na sa isa ding bundok magaganap ang isa sa mahahalagang kabanata sa buhay ni Hesus: ang Kanyang pagpapanibagong-anyo (Marcos 9: 2-10).
Sa bundok Tabor, nasaksihan mismo ng tatlo sa Kanyang mga tagasunod kung paano “Nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti, anupa’t walang sinumang makapagpapaputi nang gayon” (Mc 9:3).
Kakaiba ang naganap na iyon sa Panginoon, kaya nga nang makita ni San Pedro sa Hesus, hindi na niya nalalaman ang kanyang sinasabi sapagka’t masyado siyang natakot at maging ang kanyang mga kasama.
Ngunit hindi rin maikakaila na lubha silang nabighani sa namalas nilang kaluwalhatian ng ating Panginoon kung kaya’t naibulalas niyang “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.”
‘Mabuti pa’y dumito na tayo’
Hindi nga ba’t may mga pagkakataon sa ating buhay na damang-dama din natin ang Panginoon at ayaw na nating matapos pa ang karanasang itong? Pwedeng ito ang karanasan natin noong huli tayong nag-retreat. At sa pakiwari natin, nasa tabi natin ang Diyos, at kung tayo ang papapiliin, gusto din nating tularan si San Pedro na sambitin ang mga katagang “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo.”
Ngunit mababatid nating hindi mananatili si Hesus at ang Kanyang mga alagad sa bundok. Bababa din sila sa kapatagan.
Kung tunay ang pagkakasumpong natin sa Diyos, masusubok ito sa mga pagkilos na gagawin natin. Mas naging maawain ba tayo pagkatapos ng karanasang iyon kasama ng Panginoon? Mas naging mapagpatawad ba tayo?
Magandang gawing palaisipan kung bakit natin hinahanap ang Panginoon. Dahil ba ito sa sarap ng pakiramdam na natikman natin habang kapiling Siya? Gusto lang ba natin ang ginhawa ng pakiramdam kung kaya tayo nananalangin sa Diyos?
Sa unang pagbasa (Genesis 22:1-2.9.10-13.15-18), mababatid nating hindi ganito kasarap at kaginhawa ang naging karanasan ni Abraham nang makadaupang palad niya ang Diyos. Humarap siya sa isang mabigat na pagsubok. Mantakin mo nga namang matapos niyang maghintay nang napakatagal na panahon upang mabiyayaan ng anak, kukunin din ito sa kanya.
Ngunit, hahangaan nating tunay si Abraham sa tindi, lalim, at tibay ng pananampalataya niya sa Ama.
Kung susuriin, sa buong eksena ng pagsubok sa kanyang katapatan, wala siyang salitang binitiwan. Hindi siya nagreklamo, ni isang tanong, wala siyang sinambit. Ngunit ang kanyang pagtalima sa kagustuhan ng Ama ay dumadagundong na halimbawa ng katapatan, pag-ibig at pananampalataya.
Sa ikawalang pagbasa (Ro 8:31-34), ganito rin ang tinutumbok ni San Pablo sa kanyang pagpapaalala sa ating magtiwala sa Ama.
Binigyang diin niyang hindi naman nawalan ng anak si Abraham; sinubukan lamang siya ng Ama. Ngunit iba ang kuwento ng Diyos na hindi lamang inialay ang Kanyang nag-iisang Anak tulad ng sa paraang paghahandog ni Abraham–pinatay ang Kanyang Anak sa isang karumal-dumal na paraan, sa paraang ginagawa sa mga taong tinuturing na mga kriminal.
Kaya nga ang tanong ni San Pablo: “Kung naipagkaloob niya sa atin ang kanyang Anak, hindi ba Niya ipagkakaloob sa atin ang lahat ng bagay, kasama ng kanyang Anak?”
Ang Diyos ay hindi lang naman nangungusap sa bundok. Siya rin ay kasama natin sa araw-araw nating pamumuhay. Nangungusap Siya sa karanasan natin, sa mga taong nakakasalamuha natin. Bumubulong Siya sa atin kapag may mga pinagdadaanan tayo. Lagi siyang handang makinig sa atin.
Pero ganoon din ba tayo sa Kanya?